Chapter 1: Langyang Pag-ibig by Ben&Ben (NMT-verse)
Chapter Text
'Lang-hiyang pag-ibig 'yan
Ang dami mong isusugal
Kung balak mo akong iwan
Oh, ba't mo pa 'ko minahal?
Nagitla si Clarita nang maulinigan ang boses ng kanyang mi tocaya sa pagkanta ng mga katagang iyon.
'Nabigo ba sa pag-ibig ang aking mi tocaya?' Kunot-noong isip ni Maria Clara.
Magkasama sila ni Andeng na galing sa mercado at nais niyang puntahan agad si Klay dahil may mga binili siyang kakanin na gusto niyang pagsaluhan nila. Papasok pa lamang sila ng Casa Delos Santos nang makita itong naglilinis ng escaleras. Tatawagin na sana niya ito nang marinig nila ang mahina ngunit malinaw na pag-awit nito.
Kakaiba ang himig ng inaawit ni Klay ngunit tugma at tagos ang mga salita nito. Nagkatinginan sila ni Andeng bago marahang lumapit kay Klay na hindi pa sila napapansin.
Alam kong 'di tayo 'tinadhana
Ang dami lang tirang mga sana
Oh, ba't ka pa nag-abala
Kung magsasawa ka lang rin pala?
Hindi maiwasan ni Clarita na mahabag para sa kanyang katukayo nang marinig ang mga sumunod na salitang inawit nito. Hindi niya napigilang maluha at hinawakan ng mahigpit ang kamay ni Andeng habang papalapit sila kay Klay.
Humiging ito saglit bago umawit muli.
Wag kang magpapangako
Kung 'di mo kayang panindigan
'Wag kang magpapangako
Kung 'di mo nga kayang panindigan
Doon na natapos ang pag-awit ni Klay kasabay nang pagtapos din ng pagpupunas nito. Nakapameywang ito at tumatango-tangong tinitingnan ang nilinis na escalera. Hindi pa rin nito pansin na nasa likod na nito sila.
"Mi tocaya." Tawag niya sa nakababatang dalaga.
"Ay kalabaw!" Gulat na turan naman nito na muntik mabitawan ang telang gamit pamunas. Lumingon ito sa kanila habang sapo ang dibdib. "Señorita Clarita! Tsaka Andeng. Sorry... este paumanhin. Nagulat ako sa inyo." Natatawang sabi pa nito.
Tinititigan niya si Klay, inaaninag sa mukha ang lungkot at sakit na namutawi kanina sa mga labi nito ngunit wala siyang makita.
'Mi pobre amiga. Mukhang sanay magtago ng saloobin at hinanakit ang aking mi tocaya.' Nalulungkot na isip ni Clarita.
Hindi na niya natiis at agad na niyakap ang katukayo. "Mi tocaya. Magiging maayos din ang lahat. Huwag kang mag-alala at tutulungan kita. Tutulungan ka namin." Pangako niya rito.
"Ha?" Dinig niyang naguguluhan si Klay ngunit hindi niya hahayaang magtago ito sa kanya. Nangako siya kay Crisostomo at sa kanyang sarili noong pinatuloy niya ang katukayo sa pamamahay nila na aalalagaan at po-protektahan ito.
Naramdaman niyang napatigagal ang nakababatang dalaga ngunit patuloy lang niya itong niyakap.
Alam niyang nagkakamabutihan ang kanyang katukayo at si Don Fidel na amigo ni Crisostomo. Ilang beses na rin niyang nakita ang palitan ng matatamis na ngiti ng mga ito sa kabila ng tila aso't pusa na palitan ng mga ito. At dahil nga tila kapatid ang turing ni Crisostomo kay Klay ay masinsin din nitong binabantayan ang mga pagkikita ni Klay at Fidel.
Ang alam din niya (at ang paninigurado ni Crisostomo) ay tapat ang pag-ibig ni Fidel sa katukayo.
'Marahil ay nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan? Mabuti pang sulatan ko ang aking irog para humingi ng payo at tulong.'
Sa ngayon ay tutulungan muna niya ang kanyang mi tocaya na malibang at hindi na muna isipin ang paghihinagpis sa pag-ibig.
"Klay, halina't samahan mo muna kami ni Andeng sa comedor. Nakabili kami nitong paborito mong kakanin sa mercado kanina kaya't halina at pagsaluhan natin ito." Aya niya rito habang hila ang braso nito papasok sa kanilang tahanan.
"Ay, talaga po ba? Sige. Tamang-tama at hindi pa po ako nagme-merienda." Nakangiting sabi naman ng kanyang katukayo. Habang si Andeng ay napapailing at nangingiti na sumusunod sa kanila.
'Ako naman ang tutulong sa'yo ngayon, mi tocaya.' Determinadong isip ni Maria Clara. 'Hindi ko hahayaang magkahiwalay kayo ni Fidel nang hindi nililinaw kung ano ang nangyari.'
###
Chapter 2: Ikaw Pa Rin ang Pipiliin Ko by Cup of Joe (ElFili-verse)
Notes:
a/n: 'Di pa FO dito ang El KFC kaya nagtutulungan pa sila. :)
Chapter Text
Dumalaw sina Basilio at Isagani sa kuta ng mga tulisanes upang dalhin ang isang liham mula kay Señor Iba- Señor Simoun (hindi pa rin siya sanay sa bagong pangalan ng ginoo) para sa mga kaibigan nito, at para na rin bisitahin ang kanyang Ate Klay. Ngayon ay ginagabayan sila ni Señor Fidel ("Naliwanagan na lamang, mga ginoo.") papunta sa kubong nagsisilbing klinika ng mga tulisanes.
"Naroon si Klay at nag-iimbentaryo ng mga kakailanganin sa klinika." Ani Señor Fidel habang naglalakad papunta sa kubong tinutukoy, seryoso ang mukha ngunit hindi maitatago ang kislap ng mata nito dahil sa pinag-uusapang dalaga.
'Ganyan din kaya ang aking wangis tuwing nababanggit sa aking harap ang aking sintang si Juli?'
Bagama't musmos pa siya noong huli niyang makita ang kanyang Ate Klay, naaalala pa rin niya ang ginoo na pala-palaging kasama at katulong ng kanyang Ate Klay. Buong akala pa nga niya'y malapit nang ikasal ang mga ito.
Kahit noon pa ay batid niyang isa si Señor Fidel sa pinakamayayaman sa bayan ng San Diego, pero makailang ulit na rin itong tumulong sa kanila - sa katunayan ay nalaman din niyang ito ang nag-asikaso ng pagpapalibing sa yumao niyang kapatid na si Crispin, pati na rin ang sa kanyang inang si Sisa.
'Sigurado akong matutuwa si Crispin at ang aking Ina na hanggang ngayon ay narito pa rin si Señor Fidel na nakaalalay sa aming Ate Klay.' May bahid ng lungkot niyang isip.
Naputol lamang ang kanyang pagmumuni-muni nang makalapit na sila sa kubo. Akmang kakatok na sana si Ginoong Naliwanagan nang makarinig sila ng mahinang sipol mula sa loob nito, na naging dahilan para magkatinginan silang tatlo.
"Marunong palang sumipol si Binibining Klay?" Manghang pabulong na tanong ni Isagani sa kanila.
"Hindi ko rin batid na-" Naputol ang sagot ni Basilio sa amigo nang marinig ang mga sumunod mula sa kanyang Ate Klay.
Parang kailan lang no'ng tayo'y nagtatawanan
Kayakap ka't nagnakaw ng halik
Parehas silang napalingon kay Señor Fidel, nakataas ang mga kilay at alam niyang ang kanyang mga mata'y nang-uusig sa nakatatandang binata. 'Nagawa mo iyon kay Ate Klay?'
Nanlalaki naman ang mga mata ng Señor at tuloy-tuloy sa pag-iling, tahimik na pagtanggi sa hindi namutawing tanong sa kanilang isipan nang matigilan ito. Tila ay may naalala ito at namula ang pisngi ng dating negosyante na tinangkang itago sa pagtakip nito ng kamay sa bibig. Nakikinita niya uli ang Señor ng labintatlong taong nakalipas.
Ngunit ang tadhana, ayaw nang makisama
Lalapit, ngunit bibitaw muli
'Ang aking kaawa-awang Ate Klay.' Hindi niya batid kung ano ang naging dahilan upang umalis noon ang kanyang Ate Klay ngunit tila ay naghihinagpis pa rin ito sa paglisan noon.
Pero kahit may hadlang
Pag-ibig, ipaglalaban
Inakbayan siya ng kanyang amigo at nang tumingin siya rito ay inginuso nito ang nakatatandang binata. Ito'y nakasandig na sa tabi ng pinto ng kubo, nakahalukipkip, at nakapikit na tila ba ninanamnam ang mga lirikong inaawit ni Ate Klay. Tila ay wala sila ni Isagani sa gilid nito.
'Na tila ba'y isang malaking kasalanan na kami'y narito ngayon ni Isagani.'
Kaya't kahit saan ka mapadpad
Kahit ilang taon ang lumipas
Kahit ika'y mapalayo sa piling ko
Ikaw pa rin ang pipiliin ko
Mukhang tapos na ang kanta ngunit patuloy lamang sa paghiging ang kanyang Ate Klay.
"Hayan naman pala, Señor. Kahit anong mangyari ay ikaw pa rin pala ang pipiliin ni Binibining Klay." Patudyong bulong nito kay Señor Fidel.
Mukha namang nahimasmasan na ang ginoo at nakaharap na muli sa kanila. Sarado ang ekspresyon sa mukha nito ngunit kita sa mga mata nito at sa kalmadong disposyon na ito ay naaaliw lamang sa tinuran ng kanyang amigo. Umiling-iling lamang ito.
"Mabuti pa'y pumasok na tayo para sa isinadya ninyo--"
"'Wag niyo po sanang susukuan o sasaktan si Ate Klay." Mahina ngunit mariing putol niya sa nakatatandang binata. Agad din siyang nagitla at namula sa kanyang tinuran. Hindi niya sinasadyang masabi ang akala niya'y nasa isip lang niya. Maging si Isagani ay pinanlakihan lang siya ng mga mata.
Natigilan ang Señor at tinitigan lamang siya. Maya-maya pa'y ipinatong nito ang isang kamay sa kanyang balikat, saka ngumiti sa kanya.
"Si Binibining Klay ang aking puso at ang aking hininga. Hinding-hindi ko magagawang saktan o sukuan ang aking binibini." Sinserong saad nito. Wala na siyang masabi pa rito kaya't tumango na lamang siya.
"Sino'ng nandiyan sa pinto? Kung multo ka man, I swear hindi ako takot sa iyo. Mas takot ako sa buhay kesa sa patay... gaya ng mga guardia civil!" Ani Ate Klay mula sa loob ng kubo. Napalakas yata ang kanilang pag-uusap kaya dinig nito sa loob.
Napahagikhik naman si Isagani na kinailangan niya pang sikuhin upang magtigil.
"Ate Klay? Si Basilio po ito at kasama ko po si Isagani. Kakatok na rin po sana kami." Malakas ang boses na sagot niya sa kanyang ate.
Nakarinig sila ng mabibilis na yabag at pagbukas ng pinto. Tumambad sa paningin nila ang kanyang Ate Klay na may malaking ngiti sa mga labi. Agad siya nitong niyapos na kinailangan pang tumingkayad dahil mas matangkad na siya rito. Dagli rin niyang niyakap ang kanyang ate bago humakbang paatras.
"Ate Klay, buenas tardes! Mayroon lamang kaming inihatid galing kay Señor Simoun, at dumaan na rin kami dito sa iyo upang mangumusta." Nakangiting sabi niya rito.
"Nako, mabuti naman at napadaan kayo. Tara, pasok kayo." Aya nito sa kanila na pumasok sa kubo. "Kanina pa ba kayo sa may pinto? Kinabahan ako kasi may kumakaluskos eh."
Sinundan naman nila ang binibini at saka umupo sa isang mahabang upuan. Magkatabi sila ni Isagani sa isa at ang kanyang Ate Klay at si Señor sa katapat na mahabang silya.
"Ngunit hindi ba ang sabi mo'y mas takot ka sa buhay kesa sa patay, Aking Binibini?" Patudyong singit ni Señor Fidel, may nakakalokong ngiti sa mga labi nito habang nakatingin sa kanyang ate.
"Ay nako, Fidel. Tigil-tigilan mo ako at kahit epek ka ngayon, jo-jombagin kita 'pag di ka tumigil." Pairap na sagot ng dalaga sa Señor. Napabunghalit na lamang ng tawa ang nakatatandang binata at napasandig sa gilid ni Ate Klay. Marahan nitong inabot ang kamay ng kanyang ate, na inikutan lamang ng mga mata nang makita ang ginawa ng ginoo.
Tahimik ngunit manghang pinagmamasdan lamang nila ni Isagani ang pares. Hindi nila aakalaing may ganoong dinamiko ng dalawa. Noon lang din nila nakitang tumawa o ngumiti nang malaya si Señor Fidel.
Naiintindihan na rin niya ang sinagot sa kanya ng Señor kanina bago sila pumasok ng kubo.
'Ipagdarasal ko na maging matagumpay ang inyong pag-iibigan, Ate Klay at Señor- no... Ate Klay at Kuya Fidel.'
###
Chapter 3: Walang Aminan by huhsmile (NMT-verse)
Notes:
a/n: Set sometime after mangharana ni Fidel.
Chapter Text
Umiiling na natatawa na lamang si Crisostomo habang kasama ang amigong si Fidel na naglalakad papasok ng kanyang tahanan. Narito na naman kasi muli ito upang manuyo kay Binibining Klay matapos ang... hindi niya alam kung paano ilalarawan kung ano ang nangyari noong gabing nangharana ang kanyang amigo, ilang araw na ang nakalilipas. Hindi kasi pinapasok ni Binibining Klay ang amigo noong nang-harana ito, ngunit hindi naman din lantarang tinanggihan ang panliligaw ni Fidel. Kaya naman ay heto't halos araw-arawin ng amigo ang panunuyo sa 'nakababatang kapatid' na si Binibining Klay.
"Maraming salamat uli, amigo." Naputol siya sa kanyang pagbabalik-tanaw nang marinig ang boses ng kaibigan.
"Walang anuman iyon, amigo. Para saan pa't tila ay magkapatid na rin tayo. At batid ko rin na mukhang mahaba-haba pa ang iyong magiging panunuyo kay Binibining Klay." Sagot niya sa kanyang amigo.
Napakamot ito ng ulo at umiwas ng tingin, tila ba nahihiya pa sa kanya. Naaaliw siya sa ikinikilos ngayon ni Fidel na taliwas sa kilala niyang sigrado sa sariling abogado at negosyanteng bantog din sa kababaihan.
'Pag-ibig nga naman.'
"Ah... amigo, nasaan na nga ba si Binibining Klay?"
"Ang alam ko'y sinamahan niya si Aling Mira. Hindi ko lang sigurado kung nasaan sila."
Palinga-linga silang dalawa sa matapos makaakyat ng escalera nang matanaw nila si Mang Adong palabas ng comedor. Agad naman silang napansin ng katiwala at lumapit ito sa kanila upang bumati.
"Magandang umaga po, Señorito Crisostomo, Señorito Fidel." Bati nito sa kanila at bahagyang yumuko.
"Magandang umaga rin ho, Mang Adong." Ani Fidel.
"Magandang umaga, Mang Adong. Alam niyo po ba kung nasaan sina Binibining Klay at Aling Mira?" Tanong niya sa katiwala.
"Ay, naroon po sila sa may sala menor, Señorito. Nag-aayos at naglilinis po ng platera at ng servilleta. Sa katunayan nga po ay pinaalis na nila ako at sila na lang daw po ang bahala roon."
Tumango siya sa sagot ng katiwala. "Maraming salamat, Mang Adong. Sasadyain na lang namin sila doon."
"Sige ho, Señorito. Kung wala na po kayong kailangan sa akin, doon na po muna ako maglilinis sa hardin."
Tinanguan niya ang katiwala bago ito umalis, saka muling hinarap ang amigo.
"Halina't puntahan na natin ang sinadya mo rito sa aking tahanan, amigo." Tudyo niya kay Fidel na ikinapula naman nito, bago sila maglakad papunta sa kanilang sala menor.
Nang makalapit sila sa sala menor ay narinig nila na may humihiging ng himig at ang tinig ni Aling Mira. Sila'y napahinto sa may pinto ng cuarto. Nagkatinginan sila ni Fidel at marahan niyang itinaas sa tapat ng kanyang labi ang hintuturo, na siyang tinanguan naman ng amigo.
"Hmmmm... Hmmmm..."
"Señorita Klay, tila po ay maganda ang araw niyo at kayo'y humihiging." Dinig nilang sabi ni Aling Mira kay Binibining Klay.
"Ate Mira, 'yung hina-hum ko po? Wala lang po. May kanta lang kasi doon sa amin tapos ngayon ay na-LSS ako." Ani Binibining Klay.
"El.. es-es? Paumanihin, Señorita Klay ngunit hindi ko po naiintindihan." Dinig sa boses ng babaeng katiwala na nagugulumihanan ito.
'Ikaw at tayong lahat, Aling Mira.' Hindi niya mapigilang sagutin sa isip ni Crisostomo.
"Ay, sorry... Ang ibig kong sabihin ay paumanhin. Ah, LSS... 'yun 'yung parang may iisang kanta na tumatakbo lang sa isip mo. 'Yung ganoon po. Kanina pa po kasi paulit-ulit na tumutunog sa isip ko 'yun eh." Sandaling katahimikan. "Magulo po ba?"
"Medyo lang po." Natatawang pag-amin naman ng nakatatandang babae. "Mayroon po ba itong mga salita? Baka mas maintindihan ko po." Dagdag pa nito.
"Ah... eh, ano..." Tila nag-aatubili ang binibini na umawit. Muli silang nagkatinginan ni Fidel na nagkibit-balikat lamang.
"Sige, Ate Mira. Pero hindi talaga ako magaling kumanta ah." Sa huli ay pagsang-ayon ni Binibining Klay.
Maya-maya pa'y narinig nila ang tinig nito.
Walang aminan, walang magsasawa
Madalas wala, minsan nariyan
Walang seryosohan, walang iiyak
Walang balak magkatuluyan
Napataas ang kilay ni Crisostomo nang marinig ang mga salitang inawit ng dalagang tinuturing niyang kapatid. Nahagip din ng kanyang mga mata ang pagkunot-noo ng kanyang amigo.
'Tungkol kaya saan ang inaawit ni Binibining Klay?'
Tipong "Parinig naman ng boses mo, miss na rin kita"
May atraso ba sa 'yo? Nagpapa-miss ka ba?
Pero walang aminan, paninindigan
Gusto kita, pero walang aminan
Nanlalaki ang mga matang nagtinginan sila ni Fidel. Nakasimangot na ito at tila ba hindi alam kung ano ang gagawin matapos marinig ang awit ni Binibining Klay.
"Amigo, may iba bang nanliligaw... o napupusuang hombre si Binibining Klay?" Mahinang tanong ng kanyang amigo sa kanya.
Napailing naman siya bago ito sinagot. "Hindi ko sigurado, amigo. Wala namang nababanggit ang binibini sa akin, ngunit hindi rin naman ako palaging narito."
'Pag may nagtanong, aba, ewan ko
Basta sagot ko, "Wala 'kong gusto sa 'yo"
Hindi niya inaasahan ng ganoon ang magiging liriko ng tila masayang himig ni Binibining Klay. Ngunit kung ang pagbabasehan ay ang mga interaksyon ng binibini kasama si Fidel ay may hinala na siyang patungkol sa amigo ang kanta at hindi sa ibang lalaki.
Pero walang aminan, paninindigan
Gusto kita, pero walang aminan
Mukhang tapos na ang pag-awit ni Binibing Klay. Muli niyang nilingon niya si Fidel at kita niyang naka-tungo ito bahagyang malungkot. Mukhang taliwas nga sa kanyang iniiisip ang naiisip ng amigo. Kakausapin na sana niya muli ang amigo nang marinig muli nila ang boses ni Aling Mira.
"Senorita, patungkol po ba ang inyong inawit kay Señorito Fidel?"
"HA?" Pasigaw na sagot ng dalaga bago sila makarinig ng malakas na pagbagsak ng kung ano sa sahig.
"Hala, Señorita Klay. Ayos lang po ba kayo?" Nag-aalalang tanong ni Aling Mira sa dalaga.
"Okay lang po ako, Ate Mira. Whew. Okay lang din 'yung mangkok, buti na lang at hindi nabasag. Lagot ako kay Kuya Ibarra kung nagkataon." Ani Binibining Klay. "Ate naman, bakit naman ganoon 'yung tanong mo. Kaloka ka." Dagdag pa nito.
"May iba po bang umaakyat ng ligaw sa inyo, Señorita?" Balik-tanong naman nito sa binibini.
"Ay, shala. Wala po, Ate Mira. Single at ready to mingle po ako. Charot."
At dahil nakatingin pa rin pa rin siya ang kaibigan, kita niya ang pagliwanag muli ng mukha nito sa tinuran ni Binibining Klay. Ngumiti ito nang pagkalapad-lapad na tinangka pang itago gamit ang isang kamay nito.
Natatawang naiiling (ilang beses na ba niya itong ginagawa tuwing kasama sina Binibining Klay at Fidel) na nilapitan niya ang amigo at sandaling ipinatong ang kamay sa balikat nito. Tiningnan siya nito at nagkibit-balikat bago nila marinig muli si Aling Mira.
"Kung gayon ay tungkol nga ito sa amigo ni Señorito Crisostomo?" May bahid na ng panunudyo itong tanong ni Aling Mira.
"Ay nako, Ate Mira. Nagma-marites ka na naman eh. Hindi po tungkol kay Fidel 'yung kanta ko. Wala lang po 'yun. Kanta lang, ganun lang." Siyang pagtanggi naman ni Binibining Klay.
"Sige na nga ho, Señorita." Natatawang sagot na lamang ni Aling Mira.
Mukhang tapos na ang usapan nina Binibining Klay at Aling Mira kaya naman ay tumikhim na siya at kumatok sa pinto ng sala menor.
"Binibining Klay? Aling Mira?" Tawag niya bago buksan ang pinto.
Pagbukas niya ay tumamnad sa paningin nila ang dalawang babae na nakatayo sa magkabilang gilid ng la mesita, malapit sa platera. Nakasalansan ang mga mangkok at plato na nilinis at ngayo naman ay nagtutupi ang dalawa ng mga servilleta de mesa.
"Señorito Crisostomo at Señorito Fidel, magandang umaga po." Ani Aling Mira nang makita sila nito.
"Kuya Ibarra! At kasama mo pala si Sir Fidel." Bakas sa mukha ng binibini na nagulat ito sa kanilang dalawa.
Sasagutin na sana niya ang dalaga ngunit naunahan siya ng kanyang amigo.
"My dearest, Binibining Klay. Good morning." Nakangiting sabi ni Fidel, ang mga mata'y nakatuon lamang sa kanyang 'nakababatang kapatid.'
Tumikom ang bibig ni Binibining Klay, pinaningkitan ng mata at tinaasan ng kilay ang kanyang amigo. Ngunit ngayong pinagmamasdan niyang maigi ang dalaga, kita rin niya ang bahagyang pamumula ng pisngi nito at, kung hindi siya nagkakamali'y pagkislap ng mga mata nito sa pagbati ng kanyang amigo.
'Ah. Tila yata ay hindi na rin magtatagal ang paghihintay at panunyo ng aking amigo.'
'Mukhang may kailangang umamin, Binibing Klay.'
"Fine. Magandang umaga na rin sa'yo, Sir Fidel." Pairap na sagot ng dalaga sa kanyang amigo.
Humakbang naman palapit sa binibini si Fidel mula sa kanyang tabi, tangan ang isang buslo na inihandog nito kay Binibing Klay.
"For you, Binibining Klay." Ani Fidel habang iniaabot ang handog. "Imported chocolates para madagdagan ng tamis ang iyong araw." Sabi pa ng kanyang amigo.
"Ang corny mo. Shala, may pa-chocolates naman ngayon." Tinanggap naman nito ang iniabot ni Fidel at sinisyasat ang buslo.
"Hay nako, Fidel. Sabi ko sa'yo, hindi mo naman kailangan na laging may pasalubong sa akin, hindi ba?" Dagdag pa ng binibini. Nakatuon lang din ang buong atensyon ng dalaga sa amigo.
Isang matamis na ngiti lamang ang sinagot ni Fidel bago napakamot sa ulo. Inikutan lamang ito ng mga mata ng binibini.
"Tara na nga doon sa isang sala kesa nakakaistorbo tayo dito kay Ate Mira. Magma-marites ka lang eh. Geh-geh, Ate Mira at Kuya Ibarra." Sabi nito sabay labas ng sala menor. Para namang maamong perrito ang kanyang amigo, na nakangiting sumunod lang sa dalaga.
Nagkatinginan sila ni Aling Mira, na mukhang napagtatanong nakalimutan na sila ng dalawa dahil natatawa at naaaliw sa naging palitan nina Fidel at Binibining Klay.
Muli na lang siya napailing, bago sinundan ang mga ito upang maging chaperone ng dalawa.
'Hay, aking Maria Clara. Sana'y nakikita mo ang iyong katukayo at ang aking amigo ngayon. Tiyak kong maaaliw ka rin sa kanila.'
###
Chapter 4: Kumpas by Moira Dela Torre (NMT-verse)
Notes:
a/n: Set ito after mailigtas at mapatakas ni Klay sina Ibarra at Fidel mula sa kwartel. For some reason, stuck na siya sa libro at resigned na siyang mamuhay na doon. Napatakas na nila nina Elias si Ibarra, at nag-decide sina Klay at Fidel na manatili sa San Diego. Pansamantala silang sumasama sa grupo nina Elias at Lucia habang mainit pa ang mata ng mga guardia civil sa kanila.
Also, kunwari si Helena taga-NMT din talaga hahaha!
(See the end of the chapter for more notes.)
Chapter Text
Maaliwalas ang umaga sa kabundukan ng San Diego. Malamig at presko ang simoy ng hangin at maririnig ang mga huni ng ibon sa gitna ng tahimik na kagubatan. Hindi maiisip na sa kasukalan ng gubat na iyon ay doon naninirahan (o pansamantalang namamalagi) ang mga itinuturing na tulisanes ng mga guardia civil.
‘Samantalang itong mga Kastila naman talaga ang mga nananakop at nang-aalipusta sa aming bayan.’
Napabuntong-hininga si Lucia sa naisip at ibinalik na lamang ang tuon sa pagpitas ng mga dahon. Kasama niya ngayon sina Binibining Klay at Helena na nangangalap ng mga halamang gamot sa kasukalan, hindi malayo sa kuta ng grupo nila.
Dahil hindi na rin muna sila bumababa sa kabayanan pagkat mainit pa ang mata ng mga guardia civil sa kanila, minabuti nilang turuan na muna si Binibining Klay kung paano mamuhay at makatulong ngayong narito sila sa gubat.
Laking tuwa rin nila na mapag-alamang maalam ang binibini sa medisina. Naikwento sa kanya ng kanyang Kuya Pablito kung paanong naabutan niya at ng ilan sa kanilang mga kasama sina Binibining Klay, Ginoong Fidel at ang may tama ng baril na si Elias noong gabing itinakas nila si Señor Ibarra.
Nasaksihan din niya ito nang gabing makarating ang mga ito sa kanilang kuta, tatlong linggo na ang nakararaan.
–
“Aaaaaarrrrrgggggh.” Impit na sigaw ni Elias habang ginagamot ni Binibining Klay ang kanang balikat nito na may tama ng baril. Hawak nina Pablito at Señor Fidel si Elias upang pigilan ang pagpiglas nito.
“Sandali na lamang ito, Elias. Malapit ko nang matapos ang tahi at pwede na natin bendahan. Sorry, wala kasing equivalent ng anesthesia rito eh.” Ani Binibining Klay na nakatuon lamang ang atensyon sa paggamot sa kanilang kasama.
Bagama’t may kakaiba na namang binanggit ang binibini, hindi maiwasan ni Lucia na mas lalo pang hangaan ang dalaga. Hindi nito alintana ang dugong patuloy na dumadausdos mula sa sugat ni Elias at mas nakatuon ang atensyon kung paano maisasalba si Elias.
“Bini…bini.” Mahinang tawag ni Elias sa dalaga. Hindi nila mawari kung ano ang gustong sabihin nito dahil namimilipit pa ito sa sakit.
“Ay nako, Kuya Elias. ‘Wag nang matigas ang ulo. Hayaan mo na lang kaming gamutin ka. Pagkatapos, saka tayo magbangayan kasi sinasabi ko sayo, hindi ka mamamatay ngayon.” Determinadong sabi ng binibini.
Bahagya siyang nagulat sa pagtawag nito kay Elias bilang kuya ngunit hindi nila maitatangging para ngang magkapatid ang turingan ng mga ito.
–
“Lucia.” Naputol sa pagmumuni-muni si Lucia nang marinig ang tawag sa kanya ni Helena. Nang tingnan niya ito’y, inginuso lamang ang direksyon kung nasaan si Binibining Klay.
Nang idako niya ang kanyang tingin dito ay narinig din niyang humihiging ang binibini habang sinasalansan ang mga pinitas na dahon sa buslo. Maya-maya pa’y maririnig ang mahinang pag-awit nito.
Sa isang iglap
Nagbago ako
Hindi ko na kayang
Mawalay sayo
Nagkatinginan silang muli ni Helena nang marinig ang mga salitang inawit ni Binibining Klay. Agad namang pumasok sa isipan ni Lucia ang ginoong laging kasa-kasama nina Binibining Klay at Señor Ibarra - si Señor Fidel na kilala sa San Diego bilang isa sa pinakamayayaman sa bayan ng San Diego, ang nagmamay-ari ng Maglipol Empresa Comercial.
Hindi man nila sabihin, kita sa mga ikinikilos nito’t gawi na umiibig si Señor Fidel sa kaibigang si Binibining Klay. Lagi itong nakaalalay at suporta sa binibini. At ang mas tumatak kay Lucia ay ang buong pusong suporta nito sa mga ginagawa ni Binibining Klay, kahit ang mga bagay na idinidikta ng tradisyon na hindi dapat o kayang gawin ng kababaihan.
–
“Kailangan nating magpatawag ng manggagamot!” Bulalas ng isa nilang kasamahan pagkarating nina Pablito kasama ang duguang si Elias.
“Okay na ho. Napigilan ko naman na ‘yung pagdurugo ng sugat niya. Ang kailangan ko po ay maraming tela, mainit na tubig at pangtahi para magamot si Elias.” Agad na sagot ni Binibining Klay habang nakaalalay kina Señor Fidel (‘Bakit wala itong pang-itaas na saplot?’) at Pablito na ngayo’y inilalatag si Elias sa papag.
“Ano naman ang magagawa mo, binibini? Mabuti pang ipaubaya na natin ito sa sa manggagamot na nagtapos ng medisina kaysa sa mga nagmamarunong na mujer na maaari pang ikamatay ni kasamang Elias!” Mataas ang boses na pag-alma naman ng isa pang nakatatandang lalaki, si Mang Luis.
‘Mas magaling pa ngang umasinta ng riple si Helena kesa lapastangang ito!’
Gusto niyang sunggaban ito sa pang-iinsulto hindi lamang kay Binibining Klay, kundi na rin sa kanilang mga kababaihan sa grupo nila, ngunit naunahan siya ni Señor Fidel.
“HUSTO NA, GINOO.” Nakatayo na mestizo sa harap ni Binibining Klay, madilim ang mukha at tila ba nais itago sa likod ang binibini upang protektahan ito.
“Wala kayong karapatan– tayong karapatan na husgahan kung ano ang kaya at hindi kaya ni Binibining Klay… kung ano ang kakayanan ng kababaihan.” Mahinahon ngunit mariing sabi nito.
“Sinasabi mo bang walang naitutulong ang mga kababaihan dito sa inyong grupo, gayong sa wari ko’y higit ang bilang nila kaysa sa mga ginoo?” Dagdag na tanong pa ni Fidel.
Katahimikan naman ang naging sagot dito. Aaminin niyang binigyan din niya ng masamang tingin si Mang Luis, siya at ang iba pang kababaihang nakapaligid dito. Maya’maya pa’y binasag ni Binibing Klay ang tensyon.
“Teka lang ha. Mamaya na kayo mag-away. Hello, o? Kailangan pa natin gamutin si Elias. Jusko kayo.” Palatak nito habang nakaluhod sa gilid ni Elias, nakadiin pa rin ang mga kamay sa telang nakatapal sa sugat nito.
“Ako na ang humihingi ng paumanhin sa inasal ng aming kasama, Binibining Klay. Lubos lamang itong nag-alala.” Ani Pablito na nakapatong ang isang kamay sa nakatungong si Mang Luis. “Doon na lang muna kami sa may kubol.” Sabi pa nito sabay akay sa ilang kalalakihang umaalma kanina noong sinabing si Binibining Klay ang gagamot kay Elias.
Nilingon naman ng binibini sandali ang kasama nitong ginoo. “Maraming salamat sa pag-depensa sa akin, pero I can fight my own battles.”
“Alam ko, Binibing Klay. Pero sa pagkakataong ito hayaan mo akong suportahan ka habang inililigtas ang buhay ni Elias. So you can focus on aiding him.” Nakaluhod na rin ito sa tabi ng binibini, at nakatitig sa mga mata nito.
Tinanguan naman ito ni Binibing Klay saka ibinaling muli ang tingin sa kanila. “Kailangan ko na po ng maraming tela, mainit na tubig at sinulid at karayom. Pakibilisan na lang ho.” Pakiusap ng dalaga na siya namang agad na kinuha nina Lucia at ilang kababaihan sa gilid.
Hindi man niya naintindihan ang ilan sa naging palitan ng dalawa (‘Iyon ba ay wikang Ingles?’), batid niyang napakswerte ni Binibining Klay at kinikilala ng taong umiibig sa kanya ang kanyang kakayanan bilang babae.
Ikaw ang kumpas pag naliligaw
Ikaw ang kulay sa langit na bughaw
Sa bawat bagyo na dumadayo
Ikaw ang kanlungan na kailangan ko
Kahit hindi mo alam
Ilang beses mo akong niligtas
Ikaw ang hantungan, at aking wakas
Sa tatlong linggong nakasama nila ang binibini at ginoo, nakita niya (nilang lahat) kung paanong ang mapagmalasakit na estrangherang si Binibining Klay ay nababalanse ng kalma at lohika ng mestizo de sangley na si Señor Fidel.
Hindi man nila mawari kung bakit pilit pa ring tinatanggi ni Binibining Klay ang pagiging magkatipan nila ng ginoo,
Tila nga ay isang kumpas ang ginoo para kay Binibining Klay.
Ang mga palitan din ng mga ito’y nagbibigay pag-asa sa kanilang mga rebolusyonaryo na palaging may lugar ang pag-ibig kasabay ng pag-ibig at paglaban para sa bayan.
Sana'y iyong matanggap
Kung sino ako talaga
“Kung ano man ang bumabalakid sa pag-iibigan nilang dalawa ni Señor Fidel, sana’y malamapasan nila ito.” Ani Helena matapos mapakinggan ang dalawang linyang inawit ni Binibining Klay.
“Siyang tunay.” Sang-ayon niya sa kasama.
Agad naman ding napansin ni Lucia na naglalakad papalapit sina Elias at Señor Fidel mula sa gilid nila ni Helena. Nang makalapit ang mga ito’y nagtanguan sila bago ibinaling ang atensyon sa umaawit pa ring binibini, na nakatalikod pa rin sa kanila.
Ikaw yung kumpas nung naliligaw
Naging kulay ka sa langit na bughaw
Sa bawat bagyo na dumayo
Ikaw yung kanlungan na nahanap ko
Kahit nung di ko alam, ilang beses mo akong niligtas
Ikaw ang hantungan at aking wakas
Napatingin si Lucia kay Señor Fidel (Kahit na sinabi na rin nito na Fidel na lamang ang itawag sa kanya ay hindi niya basta magawa.) nang matapos kumanta si Binibining Klay. Nakatitig lamang ito sa binibini at nakangiti. Maya-maya pa ay lumapit na ito kay Binibining Klay.
Napatingin siya kina Helena at Elias na natatawang napapailing na lamang. Tila ay nalimutan na sila ni Señor Fidel.
“Aking Binibining Klay.” Tawag ng ginoo sa binibini.
“Ay kalabaw!” Mukhang hindi rin napansin ni Binibining Klay ang pagdating ng dalawang lalaki.
“Fidel! Ba’t ka ba nanggugulat? Parang tangeks ‘to eh.”
“Kanina pa kami rito ni Elias, sadyang abala ka lamang sa iyong pag-awit. Ito na ba ang iyong pagtatapat sa akin?”
Naaaliw si Lucia sa paglalaro ng mga emosyon sa mukha ng kaibigan. Nanlaki ang mga mata nito, namula ang mga pisngi at napaawang ang mga labi. Iniwas nito ang tingin kay Fidel bago sumimangot.
“Asa ka oy. Kumanta lang ‘yung tao, feeling mo tungkol na agad sa iyo?” Pandidilat pa ni Klay sa ginoo.
“At hindi nga ba, aking binibini?” Patudyong dagdag pa ni Fidel.
“Hindi, ‘no!” Kunot-noong sagot agad nito. “Malay mo ba kung ‘yung ginoo na bumati sa akin noong isang araw ‘yung tinutukoy ko sa kanta ko.” Pairap na dagdag pa ni Klay bago humalukipkip.
Kitang-kita ang pagsasalubong ng kilay ni Fidel sa tinuran ng dalaga.
“Sino, saan at kailan ito nangyari?” Usisa ng ginoo at humakbang papalapit sa dalaga.
“Luh. Ano naman sa’yo ‘yun, aber?” Pinaningkitan lang ito ng mga mata ni Klay.
Natigil lamang ang dalawa ng tumikhim si Elias, habang si Helena’y nakaiwas ng tingin at pinipilit ikubli ang pagtawa sa bangayan ng dalawa.
“Ehem. Mawalang galang na, ngunit malapit nang mananghalian. Siguradong hinihintay na rin tayo ni Pablito.” Walang ekspresyon ang mukha ni Elias ngunit makikita sa mga mata nito na ito’y naaaliw sa dalawa.
“Kuya Elias!” Nagliwanag ang mukha ni Klay at agad na lumapit dito. “Okay naman na ba ang sugat mo? Walang masakit o nagdugo or something?” Sunod-sunod na tanong nito sa ginoong tinuturing nitong kuya.
Tila naman ay nalimutan na nito ang pakikipagsagutan kay Fidel (na nakangusong nakatingin lamang sa dalawa) sa pag-aalala sa kanyang ‘Kuya’ Elias. Si Helena ay tuluyan nang nagtago sa kanyang likod at humahagikhik. Maging siya ay hindi na napigilan ang pagtawa.
“Maayos lamang ang aking lagay, Binibining Klay.” May maliit na ngiting tugon dito ng nakatatandang lalaki.
“Nako, Klay na lang po. Para na rin talaga tayong magkapatid. Kuya na nga tawag ko sa iyo eh.” Natatawang sagot naman ng dalaga dito.
“Tara na nga at medyo nagugutom na rin ako.” Aya ni Klay sa kanila bago naglakad pabalik sa kanilang kuta.
Nang maglalakad na dapat si Lucia pasunod kay Klay ay nakita pa niya si Elias na nakataas ng mga kilay na nakatingin sa likuran nila ni Helena. Paglingon nila’y nakita nila si Fidel na bahagyang namumula at napakamot na lamang ng ulo, kaya’t napabunghalit na lamang sila ni Helena ng tawa.
‘Ah. Tila kailangan na ding suyuin ni Fidel ang ‘kuya’ ng kanyang tinatangi.’
###
Notes:
a/n: Napahaba itong chapter. Napaisip na ako actually kung dapat bang separate story na lang ito, kaso mas tamad akong mag-isip ng title hahahaha. Gusto ko pa actually i-explore ang siblingship nina Elias at Klay sa El Fili… or what if magkasama sina Ibarra at Elias as protective brothers ni Klay, ganern. :’)
Chapter 5: Nahuhulog na Sa'yo by Noah Alejandre (NMT-verse)
Notes:
a/n: I’m baaaack! Choz. Ang daming naganap sa fandom so medyo nawalan ako ng time na mag-update. But anyways, here’s another entry for this fic.
Chapter Text
Simple lang ang hiling ni Mang Adong, ang maging matagumpay si Señorito Crisostomo na maipatayo ang paaralang pinangarap din ng yumaong si Don Rafael, at ang magpatuloy sa paninilbihan sa mga Ibarra, na kung siya’y papalarin ay maging sa magiging mga anak ni Señorito Crisostomo.
Isang malaking sorpresa rin ang pagdating ni Binibining Klay sa Casa Ibarra. Isang estrangherang mahiwaga at tunay na naiiba sa lahat. Isang estranghera na naging mabuti at mapagmalasakit kahit sa kanilang mga ‘indio’ lamang. Isang estrangherang di kalaunan ay pormal nang inampon ni Señorito Crisostomo at naging parte ng kanilang munting pamilya sa tahanan ng mga Ibarra.
“Magandang gabi po, Mang Adong.”
Naputol ang pagmumuni-muni ni Adong habang namamalantsa nang marinig ang pagbating iyon. Paglingon niya sa may pinto ay nakita niya si Señorita Klay at agad siyang napangiti rito.
“Magandang gabi rin po, Señorita Klay.”
“Tulungan ko na po kayo riyan at ako na po ang magtutupi. Medyo nababagot na kasi ako sa kwarto ko eh.” Nakangiting tugon din ng dalaga at nagpatuloy sa gilid ng mesitang kinalalagyan ng mga damit.
“Hindi ko na po kayo tatanggihan, señorita.” Natatawang sagot naman niya sa dalaga dahil alam niyang ipipilit lang din ng dalaga na tumulong sa kanya.
“Kilala mo na talaga ako, Mang Adong.” Natatawang balik naman ni Señorita Klay sa kanya.”Pero pasubok din po akong gumamit niyang prensa de corona, ha.”
“Sige ho, señorita.”
Isa ring gawi ng señorita na ikinamangha nilang mga tauhan sa Casa Ibarra ay ang kaalaman nito sa gawaing bahay at ang likas na kabaitan at pagtulong sa kanila nito. Dahil kitang-kita rin sa mga kakaibang ikinikilos ng binibini na ito’y may pinag-aralan at mula sa may-kayang pamilya, hindi nila inaasahang gawin ni Señorita Klay ang pagtulong sa mga tauhan ng Casa Ibarra.
Maya-maya pa’y narinig niya ang paghiging ng binibini habang patuloy na nagtutupi ng mga damit.
“Señorita, ganitong-ganito rin po noong tinulungan niyo akong magtupi noong matapos niyong magkasakit. Mukhang maganda po yata ang naging araw niyo at muli kayong umaawit.” Hindi niya napigilan ang sariling usisain ng binibini.
“Ay, oo nga ‘no? Deja vu.”
“Dey ja… paumanhin po, señorita, pero hindi ko po naiintindihan.” Kamot-ulong sabi niya kay Señorita Klay.
“Naku, Mang Adong. Wala po kayong dapat ihingi ng paumanhin at ako po itong kung ano-anong mga salita ang sinasabi eh. Deja vu… bale ano po, ito ‘yung pakiramdam na parang naulit ‘yung isang pangyayari sa buhay po natin. Kagaya po ng nabanggit nga ninyo, nangyari na ito noon.” Paliwanag naman ng dalaga sa kanya.
Isa pa itong ikinatututwa nilang mga tauhan sa kanilang bagong señorita, hindi ito nag-aatubiling sagutin sila kung mayroon silang mga katanungan o hindi naiintindihan at bagkus ay ipinapaliwanag pa sa kanila ang mga bagay-bagay.
“Dey…dey ja bu.” Mahinang pag-uulit niya sa banyagang salitang ginamit ng señorita.
“Tama po. Deja vu.” Nakangiting pagsang-ayon ni Señorita Klay sa pag-uulit niya at nagpatuloy sa paghihiging.
“Señorita, tungkol saan naman po ang inyong inaawit ngayon?” Nakangiting tanong niya ulit sa dalaga.
Napahinto ito at tila ba napaisip ng malalim. Hihingi na sana siya ng tawad at sasabihing hindi na siya kailangan sagutin nang magsalita ulit ang dalaga.
“Sige po, kakantahin ko na lang ang lyrics ng kanta tapos kayo na po bahala kung tungkol saan itong kanta. Basta hindi ko po kasalanan kapag umulan bigla, ha.” Pabirong sagot nito sa kanya at saka tumikhim.
May ilang mga salita na namang binanggit ang señorita ngunit nakuha naman niya ang nais nitong sabihin. Itinabi niya na muna saglit ang prensa de corona upang pakinggan ang binibini.
Tadada
Tadada
Tadada
Tadadadada
Halata na ba
Na pinagmamasdan kita, sinta
Paligid ko'y humihinto
Tuwing lumilingon sa iyo
‘Kay ganda! Kahit ang mga inaawit ni Señorita Klay ay sadyang kakaiba.’
Simple lamang ang mga salita at madaling intindihin ngunit kakaiba ang himig nito. Bagama’t noon lang niya narinig ang ganitong klase ng musika ay hindi nita mapigilang sabayang tanguan ang pag-awit ng señorita.
Ngunit ‘di rin mapigilan ni Adong na mapaisip kung tungkol kaya kanino ang inawit ni Señorita Klay. Iisang ginoo lamang naman ang kanyang kilalang laging nakakasama at nakakausap ng binibini bukod sa Señorito Ibarra - Si Don Fidel de los Reyes.
Ayoko sanang
Palipasin pa ang oras na
Di ko masabi sayo
Etong nararamdaman ko
Pero itatanong ko muna kung
Di ka ba nababahala na
Unti unti
Na akong nahuhulog sa iyo
Baka di gusto pero
‘Malaki ang tsansang tungkol ito kay Don Fidel ngunit hindi ako sigurado kung akma ba ang mga salita para sa kanilang dalawa.’
Saksi kasi ang buong Casa Ibarra sa matagal-tagal nang panunuyo ni Don Fidel sa kanilang Señorita Klay, kaya’t alam nilang lahat na mga tauhan na umiibig ang negocianteng kaibigan ng kanilang señorito sa binibini.
Napatingin si Adong sa entrada ng silid sa likod ng señorita at nakita doon si Don Fidel na nakangiting nakikinig din sa pag-awit ni Señorita Klay. Akmang babatiin na niya ang ginoo nang ilagay nito ang isang daliri sa tapat ng bibig, na kanya namang tinanguan.
‘Ah. Tila yata ay gusto ring mapakinggan pa ni Don Fidel ang pag-awit ni Señorita Klay.’
Muli niyang ibinaling ang tingin kay Señorita Klay na patuloy lang sa pagtutupi habang umaawit, hindi pansin ang pagdating ni Don Fidel.
Napapangiti mo ako
Kahit 'la ka namang ginagawa
Parang di na to nakakatuwa
Nahuhulog na sayo
“Aking Binibining Klay.”
“Ay kalabaw!” Palatak ni Señorita Klay matapos magitla sa tinig ni Don Fidel.
Dali-daling hinarap ng señorita ang ginoo at nang magtama ng tingin nila ay binato niya ito ng damit na tinutupi, na natatawang sinalo lamang ni Don Fidel.
“Jusko, Fidel. Bakit ka ba nanggugulat?” Pairap na tanong ng kanilang señorita sa manliligaw nito.
Humakbang palapit ang ginoo at bahagyang yumukod upang tingnan sa mata ang binibini at ngumiti.
“Mas maganda ka pa sa gabi, aking Binibining Klay.” Ani Don Fidel na may nakakalokong ngiti sa mga labi.
Inikutan lamang ito ng mga mata ng señorita ngunit kapansin-pansin din ang pamumula ng mga pisngi nito dahil sa sinabi ng ginoo. Napansin din ito ni Don Fidel kaya naman mas lumapad pa ang ngiti nito kahit hindi sinagot ng señorita ang pagbati nito.
Tahimik na nagmamasid (at naaaliw) lamang si Adong sa dalawang nagbabangayan sa kanyang harapan, lalo na’t ayaw din niyang makaistorbo sa mga ito.
“Tapatin mo nga ako, aking binibini.” Panimula ng ginoo, seryoso ang mukha at taimtim na nakatitig sa mga mata ni Señorita Klay.
Tila ay naramdaman din ng señorita na seryoso ang ginoo kaya’t pahalukipkip din nitong hinarap si Don Fidel.
“Ano na naman ‘yan, Fidel.” Kunot-noong tanong ng señorita.
“Ikaw ba ay nahulog na rin sa aking angking kakisigan gaya ng nais mong iparating sa iyong inaawit?” Tanong ng ginoo sabay ngisi sa señorita.
“HOY!” Palatak ni Señorita Klay.
Kitang-kita ang paglaki ng mga mata ni Señorita Klay at pag-awang ng mga labi nito sa pagkabigla, ngunit kapansin-pansin ang pamumula ng mga pisngi nito.
Nabigla rin si Adong sa tahasang tanong na iyon ng ginoo kaya’t kahit siya ay nanlaki ang mga mata at hindi na naka-imik.
Maya-maya pa’y tila nahimasmasan na ang señorita at nagsalubong na ang mga kilay kahit na patuloy pa rin ang pamumula ng mukha nito.
“Ewan ko sa’yo! Kwento mo ‘yan so syempre ikaw ang bida d’yan.” Singhal ng señorita kay Don Fidel bago siya hinarap.
“Mang Adong, pasensya ka na at mukhang hindi na ho kita matutulungan dito.” Ani Señorita Klay habang itinuturo ang mga damit na hindi pa natutupi.
“Next time na lang ho siguro kapag wala nang epal sa mundo.” Sabay irap sa ginoo na patuloy lamang na nakangisi sa gilid nito.
“Babu!” Ismid pa ng señorita bago naglakad palabas ng silid.
“Sandali lamang, aking binibini.” Natatawang sabi naman ni Don Fidel na tinangkang habulin ang señorita. Hindi na rin nito naabutan ang binibini kaya napailing na lamang ang ginoo bago siya hinarap.
“ Jele jele bago quiere .” Nakangiting turan nito sa kanya.
‘Narinig ko na ito mula kay Señorito Crisostomo eh… wari’y ayaw ngunit sa katunayan ay gusto naman? Tama ba iyon?’ Isip ni Adong bago naalalang batiin ang ginoo sa kanyang harapan.
“Magandang gabi po, Don Fidel.”
“Magandang gabi rin, Mang Adong. Pasensya na at mukhang naistorbo ko kayo ni Binibining Klay sa inyong gawain.” Anito habang napapakamot ng ulo.
“Naku, wala ho iyon, Don Fidel. Nagpapalipas lamang ho ng oras si Señorita Klay.” Sagot naman niya sa ginoo.
“Bueno, Mang Adong, akin na munang susuyuin ang aking tinatangi at baka tuluyan pa itong magtampo. Maaari ho bang sabihan na lang ninyo ang aking amigong si Crisostomo na ako’y narito?” Ani Don Fidel habang naglalakad papalapit sa entrada.
“Makakarating ho, Don Fidel.”
“Maraming salamat, Mang Adong.” Tumango ito sa kanya at lumabas ng silid.
“Hay, aking Binibining Klay.” Narinig pa niyang bulong ng ginoo bago tumuloy sa sala menor.
‘Ah, mukhang naiintindihan ko na nga ang inawit ni Señorita Klay.’
At nakangiti na rin siyang nagpatuloy sa pamamalantsa.
###

Filay Endgame (Guest) on Chapter 1 Tue 07 Mar 2023 12:46PM UTC
Comment Actions
Filay Endgame (Guest) on Chapter 1 Tue 07 Mar 2023 12:54PM UTC
Comment Actions
Dhez navales (Guest) on Chapter 1 Sat 06 May 2023 10:48PM UTC
Comment Actions
phantomquills on Chapter 2 Thu 09 Mar 2023 03:05AM UTC
Comment Actions
Filay Endgame (Guest) on Chapter 2 Fri 10 Mar 2023 02:51AM UTC
Comment Actions
J_A_E_S_H on Chapter 2 Fri 10 Mar 2023 03:05PM UTC
Comment Actions
Dhez navales (Guest) on Chapter 2 Sat 06 May 2023 10:54PM UTC
Comment Actions
J_A_E_S_H on Chapter 3 Sun 12 Mar 2023 07:35AM UTC
Comment Actions
Dhez navales (Guest) on Chapter 3 Sat 06 May 2023 11:02PM UTC
Comment Actions
FiLayAuReader (Guest) on Chapter 4 Tue 14 Mar 2023 03:30PM UTC
Comment Actions
phantomquills on Chapter 4 Thu 16 Mar 2023 03:37AM UTC
Comment Actions
Dea_decorem on Chapter 4 Sat 22 Apr 2023 02:55AM UTC
Comment Actions
Dhez navales (Guest) on Chapter 4 Sat 06 May 2023 11:32PM UTC
Comment Actions
J_A_E_S_H on Chapter 5 Thu 04 May 2023 07:25AM UTC
Comment Actions
Mirida (Guest) on Chapter 5 Thu 04 May 2023 10:02AM UTC
Comment Actions
Dhez navales (Guest) on Chapter 5 Sat 06 May 2023 11:41PM UTC
Comment Actions
FriedNeurons on Chapter 5 Wed 17 May 2023 07:18AM UTC
Comment Actions
Redeyeisbae on Chapter 5 Tue 09 Jan 2024 01:26AM UTC
Comment Actions