Chapter Text
'Lang-hiyang pag-ibig 'yan
Ang dami mong isusugal
Kung balak mo akong iwan
Oh, ba't mo pa 'ko minahal?
Nagitla si Clarita nang maulinigan ang boses ng kanyang mi tocaya sa pagkanta ng mga katagang iyon.
'Nabigo ba sa pag-ibig ang aking mi tocaya?' Kunot-noong isip ni Maria Clara.
Magkasama sila ni Andeng na galing sa mercado at nais niyang puntahan agad si Klay dahil may mga binili siyang kakanin na gusto niyang pagsaluhan nila. Papasok pa lamang sila ng Casa Delos Santos nang makita itong naglilinis ng escaleras. Tatawagin na sana niya ito nang marinig nila ang mahina ngunit malinaw na pag-awit nito.
Kakaiba ang himig ng inaawit ni Klay ngunit tugma at tagos ang mga salita nito. Nagkatinginan sila ni Andeng bago marahang lumapit kay Klay na hindi pa sila napapansin.
Alam kong 'di tayo 'tinadhana
Ang dami lang tirang mga sana
Oh, ba't ka pa nag-abala
Kung magsasawa ka lang rin pala?
Hindi maiwasan ni Clarita na mahabag para sa kanyang katukayo nang marinig ang mga sumunod na salitang inawit nito. Hindi niya napigilang maluha at hinawakan ng mahigpit ang kamay ni Andeng habang papalapit sila kay Klay.
Humiging ito saglit bago umawit muli.
Wag kang magpapangako
Kung 'di mo kayang panindigan
'Wag kang magpapangako
Kung 'di mo nga kayang panindigan
Doon na natapos ang pag-awit ni Klay kasabay nang pagtapos din ng pagpupunas nito. Nakapameywang ito at tumatango-tangong tinitingnan ang nilinis na escalera. Hindi pa rin nito pansin na nasa likod na nito sila.
"Mi tocaya." Tawag niya sa nakababatang dalaga.
"Ay kalabaw!" Gulat na turan naman nito na muntik mabitawan ang telang gamit pamunas. Lumingon ito sa kanila habang sapo ang dibdib. "Señorita Clarita! Tsaka Andeng. Sorry... este paumanhin. Nagulat ako sa inyo." Natatawang sabi pa nito.
Tinititigan niya si Klay, inaaninag sa mukha ang lungkot at sakit na namutawi kanina sa mga labi nito ngunit wala siyang makita.
'Mi pobre amiga. Mukhang sanay magtago ng saloobin at hinanakit ang aking mi tocaya.' Nalulungkot na isip ni Clarita.
Hindi na niya natiis at agad na niyakap ang katukayo. "Mi tocaya. Magiging maayos din ang lahat. Huwag kang mag-alala at tutulungan kita. Tutulungan ka namin." Pangako niya rito.
"Ha?" Dinig niyang naguguluhan si Klay ngunit hindi niya hahayaang magtago ito sa kanya. Nangako siya kay Crisostomo at sa kanyang sarili noong pinatuloy niya ang katukayo sa pamamahay nila na aalalagaan at po-protektahan ito.
Naramdaman niyang napatigagal ang nakababatang dalaga ngunit patuloy lang niya itong niyakap.
Alam niyang nagkakamabutihan ang kanyang katukayo at si Don Fidel na amigo ni Crisostomo. Ilang beses na rin niyang nakita ang palitan ng matatamis na ngiti ng mga ito sa kabila ng tila aso't pusa na palitan ng mga ito. At dahil nga tila kapatid ang turing ni Crisostomo kay Klay ay masinsin din nitong binabantayan ang mga pagkikita ni Klay at Fidel.
Ang alam din niya (at ang paninigurado ni Crisostomo) ay tapat ang pag-ibig ni Fidel sa katukayo.
'Marahil ay nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan? Mabuti pang sulatan ko ang aking irog para humingi ng payo at tulong.'
Sa ngayon ay tutulungan muna niya ang kanyang mi tocaya na malibang at hindi na muna isipin ang paghihinagpis sa pag-ibig.
"Klay, halina't samahan mo muna kami ni Andeng sa comedor. Nakabili kami nitong paborito mong kakanin sa mercado kanina kaya't halina at pagsaluhan natin ito." Aya niya rito habang hila ang braso nito papasok sa kanilang tahanan.
"Ay, talaga po ba? Sige. Tamang-tama at hindi pa po ako nagme-merienda." Nakangiting sabi naman ng kanyang katukayo. Habang si Andeng ay napapailing at nangingiti na sumusunod sa kanila.
'Ako naman ang tutulong sa'yo ngayon, mi tocaya.' Determinadong isip ni Maria Clara. 'Hindi ko hahayaang magkahiwalay kayo ni Fidel nang hindi nililinaw kung ano ang nangyari.'
###
