Work Text:
JULY 25, 7:00 PM
“Muli, maraming salamat po sa pagtangkilik sa aming mga balita; higit na ikinagagalak po naming magserbisyo sa inyo. Mag-ingat po kayo. Hanggang sa muli. Paalam, mga kababayan.”
Kasabay ng pagpapaalam ng news reporter ay ang pagdilim ng TV screen ni Wonwoo. Naiiyak siya nang marinig ang boses nito sa huling pagkakataon. Mula pagkabata niya ay itong channel na ito lamang ang pinapanooran niya—mga balita sa umaga’t-gabi, mga teleserye sa tanghali, at mga AsiaNovela sa hapon. Lumaki’t-nagkamalay siyang itong boses ang naririnig sa telebisyon, at mamamatay na ito pa rin ang huling narinig.
Hindi alam ni Wonwoo kung ano ang dapat niyang gawin. Punong-puno ng takot ang katawan niya. Labing-dalawang oras mula ngayon ay ang paglapit ng araw at ang pagsunog ng buong mundo. Ramdam na ramdam niya ang init ngayon. Kakaiba. Pakiramdam ni Wonwoo ay nasusunog ang balat niya. Sa tanang buhay niya ay hindi niya aakalaing buhay pa siya sa araw na magugunaw na ang mundo. Oo, naiisip niya tuwing siya’y nananaginip nang gising, ngunit hindi niya inakalang ito’y magkakatotoong talaga.
Naririnig niya sa labas ng kaniyang apartment na nagkakagulo na ang mga tao. Puro busina ng iba’t-ibang klaseng sasakyan, tahulan ng mga aso, at mabibigat na mga yapak na nagtatakbuhan. Kung hindi niya lang alam ang paparating na panganib ay baka inisip niyang may fiesta dito sa Maynila na nalimutan niya o kaya’y may artistang nag-iikot para i-promote ang bagong movie nito, pero hindi—alam niya.
Sa kalagitnaan ng pagkakagulo ay biglang naisip ni Wonwoo ang kaniyang mga magulang na nasa probinsya. Agad niyang binuksan ang cellphone niya at tinawagan ang nanay niya. Limang segundo ang nakalipas bago ito sagutin.
“Ma?” Nanginginig ang boses ni Wonwoo nang sambitin ang isang salitang puno nang takot at pag-aalala. Matagal na siyang hindi umuuwi sa kanila dahil matapos ang graduation ay nag-enroll agad siya sa review center at nag-aral para sa board exam ng mga MedTech. Ang huling bisita niya sa kanilang probinsya ay noong kaarawan niya noong ika-17 ng Hulyo, ngunit sandali lamang siya nanatili rito. Miss na miss na niya ang mga magulang niya. Nagsisisi siya ngayon na hindi muna niya in-enjoy ang bakasyon at nakipag-bonding sa pamilya niya.
“Anak? Okay ka lang diyan?” Pinipigilan ni Wonwoo humikbi nang malakas, kaya tinakpan niya ang kaniyang bibig gamit ang kamay.
“Okay lang po, nandito lang po ako sa apartment. Kayo ni papa?” Nanginginig ang boses niya nang siya’y magsalita, kung kaya’t kinukurot niya ang kaniyang hita upang pigilan ang pag-iyak.
“Mabuti naman kung gano’n. Andito lang naman kami ng papa mo sa sala, ’wag ka nang mag-alala.” Bukod sa nakabukas na TV ay wala nang ibang naririnig si Wonwoo. Tahimik at hindi nagkakagulo sa probinsya nila, kabaliktaran nang nangyayari sa Maynila. Nabawasan kahit papaano ang pag-aalala ni Wonwoo sa kaniyang mga magulang.
“Ma naman eh.” Umiyak na nang tuluyan si Wonwoo. Wala nang pakialam kung naririnig siya sa kabilang linya. “Uuwi ako riyan ngayon.”
“Ay sus! Itong batang ‘to talaga.” Bahagyang natawa ang mag-ina rito. “Sayang lang, Wonwoo, ‘wag na. Nagkakagulo ang mga sasakyan sa kalsada, baka maaksidente ka pa. Mas malala ang traffic. At sa tingin mo ba’y may masasakyan ka pang bus pauwi rito?”
Sumilip si Wonwoo sa bintana, at totoo nga ang sinabi ng kaniyang nanay. ‘Yung usual na nakakabagot na traffic sa España kapag rush hour na ay hindi maikukumpara sa nakikita niya ngayon. Pero gusto niyang umuwi, gustong-gusto.
“Gusto ko kayo makita ni papa.”
“‘Wag na, okay lang kami rito. Basta mag-ingat ka riyan, Wonwoo, ha?” Mas lalo lamang naiiyak si Wonwoo sa lambing ng boses ng kaniyang nanay. Alam niyang natatakot din ito pero pinipilit nito na maging matatag para sa kaniya.
“Opo, ma. Mag-ingat din kayo riyan. Mag-lock kayo ng pinto.”
“‘To naman, akala mo bata kami.”
“Ma, kasi!”
“Sige na, Wonwoo. Mag-ingat ka, anak. Mahal na mahal ka namin ng papa mo.” Narinig ni Wonwoo ang nginig sa boses nito na para bang nagpipigil ng hikbi.
“I love you, too. Sorry po.” Hindi niya kayang marinig ang boses ng nanay niyang umiiyak kung kaya’t ibinaba na niya ang tawag. Masakit. Kumikirot ang puso niya.
“Tangina, ang hirap,” bulong niya sa sarili niya.
Maraming pagkukulang ang mga magulang niya sa kaniya. Hindi perpekto ang pamilya nila, pero kailanma’y hindi nagkulang ang mga ito sa pag-aruga kay Wonwoo, kung kaya’t lumaki itong puno nang pagmamahal. Matagal nang naisip ni Wonwoo ang pangyayaring ito—na sa araw na gugunaw na ang mundo, kasama niya ang mga magulang niya sa bahay nila, nagyayakapan at nag-iiyakan. Pero andito siya ngayon sa Maynila, daan-daang kilometro ang layo mula sa kaniyang mga magulang.
Nalulungkot si Wonwoo—sobra. Ayaw niyang mapag-isa sa huling araw niya sa mundong ito, pero hindi niya alam kung sino pang tatawagan niya. Sila Junhui, Soonyoung, at Jihoon—ang tatlong kaibigan niya—ay nasa kani-kanilang probinsya. Si Wonwoo lang naman ang nagpumilit na mag-take agad ng exam after graduation para daw “fresh” pa ang mga lesson sa utak niya. Pero ngayon, naiinggit siya sa mga kaibigan niya, dahil at least sila, kasama nila ang mga pamilya nila, hindi katulad niya na nangungulila mag-isa sa Maynila.
Magkakaklase ang apat at unang nagkausap noong Roarientation. Sabay-sabay at magkakatabing pumasok sa arko—gayun din sa paglabas. Mahiyain si Wonwoo, kung kaya’t si Junhui ang unang kumausap sa kaniya. Nakapila siya noon sa 7/11, bumibili ng hotdog habang hinihintay ang chat ng kanilang block representative kung saan magkikita-kita ang kanilang section. Tahimik lamang siyang nakapila noon nang biglang may lalaking tumapik sa likod niya at tinanong kung siya ba si Wonwoo Jeon. Nagpakilala ang lalaki bilang Junhui Wen, kaklase niya raw. At dahil madaldal ito, sinabi nitong ini-stalk niya raw isa-isa ang mga FB profile ng kaniyang blockmates, kung kaya’t nakilala nito si Wonwoo. Hindi na iniwan ni Junhui si Wonwoo hanggang sa makapasok sila sa QPav, at doon nila nakilala ang dalawa pang kaibigan. Si Wonwoo ay nasa pinakagilid, katabi ang hagdan, habang nasa kaliwa naman niya si Junhui. Tinabihan ni Soonyoung si Junhui at kinausap ito bago magsimula ang misa. Ipinakilala rin niya si Jihoon na nasa gilid niya, tahimik at nahihiya. Matapos ang Welcome Walk ay nag-aya si Soonyoung na kumain muna bago umuwi, and the rest is history.
Mahal na mahal ni Wonwoo ang mga kaibigan niya, at miss niya na rin ang mga ito, pero ayaw naman niyang istorbohin nang todo ang tatlo, kung kaya’t nag-send na lamang siya ng text sa group chat nila.
st. thomas aquinas, miss ko na siya
7:20 PM
chinitong nakasalamin
i love you, guys. thank you sa 4 years of friendship.
mag-ingat kayo jan. miss ko na kayo.
chinito lang
miss u too, wonwoo :(
ingat kayo guysss <3 love u all
miss ko na rin kayo, lovebirds hehehe
tigre ng españa
GUYS HUHUHUHU I LOVE YOUUUU
THANK YOU 4 THE LOVE & MEMORIES T__T
MISS NA MISS KO NA KAYO HUHUHUHUHU
uso mag-move on, jun.
chem godz
i love you more, wonwoo and jun.
(pero pinakamahal ko yung isa jan.)
mamimiss ko review sessions natin sa mga coffee shop, guys. :(
@Soonyoung Kwon ako di pa nakaka-move on.
tigre ng españa
pinagsasabe mo baliw
chinito lang
YUN PALA EH HAHAHAHAHAHA
magbalikan na kayo, last day na rin naman na!
chinitong nakasalamin
yieee comeback na yan
feel ko papunta na si ji kela nyong
chem godz
naglalakad na, nanginginig pa
tigre ng españa
NAMOOOOO
ILA-LOCK KO GATE NAMIN
chem godz
nagchat na ako kay mama, ipagluluto nga raw ako spaghetti
tigre ng españa
BA’T KA NAKIKI-MAMA
KAYA PALA NAGLUTO BIGLA ?????
wala na talagang kampi sa’kin.
chinitong nakasalamin
pakipot ka pa
sabi mo nga sa’kin last week miss mo na si ji
chinito lang
HAHAHAHAHAHAHA kunware pang ayaw eh
suyuin mo na kasi @Jihoon Lee
chem godz
dito na ako sa labas, pabukas gate @Soonyoung Kwon
tigre ng españa
AYAW
Natawa na lamang si Wonwoo sa naging usapan sa group chat nila. Magkapitbahay sina Soonyoung at Jihoon, pitong bahay lamang ang pagitan. Naging magkasintahan ang dalawa noong Grade 11 pa lamang sila sa isang science high school sa kanilang probinsya, ngunit naghiwalay ito noong 1st semester ng 4th year. Hindi nila sinabi kanila Wonwoo at Junhui ang dahilan pero alam ng mga kaibigan nila na mahal pa rin nila ang isa’t-isa, kung kaya’t palagi silang inaasar na magbalikan na.
Na-appreciate naman ni Wonwoo na hindi ipinaramdam ng mga kaibigan niya na mamamatay na sila in just a few hours, na kung mag-usap sila ngayo’y parang ayos at normal lang ang lahat.
Lalo lamang niyang na-miss ang kaniyang mga kaibigan. Tinitigan niya ang polaroid na nakalagay sa likod ng cellphone niya. Picture nila itong apat sa tapat ng Arch of the Centuries noong graduation nila nung June. Ang ngiting nakapinta sa kanilang mga labi ay malaki at matamis, walang kaalam-alam sa paparating na sakuna. Kumirot muli ang puso ni Wonwoo. Naisip niyang napakaswerte niyang tao at nakilala niya ang mga kaibigan niya. Dahil sobrang mahiyain si Wonwoo, ang tatlo lamang ang naging kaibigan niya sa buong apat na taon sa kolehiyo. Wala siyang ibang ka-close sa labas ng section nila.
Maliban sa isa.
Tiningnan niyang muli ang litrato, inaalala ang mga sandaling iyon. “Tangina.” Napabalikwas si Wonwoo sa kinauupuan niya nang maalala kung sino ang kumuha ng litrato nila.
Mingyu Kim.
⏱︎ ⏱︎ ⏱︎
FEBRUARY 26, 12:00 AM
“Min,” Mahinahong sambit ni Wonwoo, halos pabulong na. Nakatitig lamang siya sa mga mata ni Mingyu. Ang kanang kamay niya ay naka-patong sa pisngi ni Mingyu, habang ang kaliwang kamay niya ay mahigpit na nakabalot sa isang bote ng Red Horse. Kinakabahan siya, ramdam na ramdam niya ang malakas na pagtibok ng puso niya sa kaniyang dibdib. Halos sasabog na ito. Pero dahil nakainom siya, pansamantalang nagkaroon siya ng lakas ng loob, dahil kung siya’y nasa katinuan, hindi niya kayang gawin ito kay Mingyu.
Si Mingyu ang mas clingy sa kanilang dalawa. Si Mingyu ang palaging nagi-initiate, at si Wonwoo ang tumatanggap.
Walang kumikibo sa kanilang dalawa. Tanging ang ingay ng aircon at ang tugtog ng malakas na kanta sa ‘di kalayuan ang naririnig sa kwarto ni Wonwoo.
“Min,” Ulit ni Wonwoo. Ibinaba niya ang kaniyang tingin sa labi ni Mingyu. Mas lalong lumakas ang tibok ng puso ni Wonwoo.
Nagdadalawang-isip si Wonwoo kung itutuloy niya pa ba ang pag-amin ng damdamin niya o magpapanggap na lamang na nakatulog at aarteng nakalimutan ang lahat ng nangyari pag-gising niya sa umaga. Pero hindi niya kayang magpanggap at magsinungaling. Mahirap.
Bahagyang nalingat ang tingin niya sa styrofoam food container sa bedside table na naglalaman ng bagnet. Binili ito ni Mingyu para sa kaniya dahil kahapon pa siya nagke-crave nito, ngunit hindi siya makakain-kain dahil ang nililigawan ni Mingyu ay vegetarian. Mula kahapon ay puro gulay ang kinakain ni Wonwoo, sawang-sawa na siya.
“Kaya nga nag-elyu para sa bagnet!” Inis na bulong ni Wonwoo kay Soonyoung. Tinawanan lamang siya ng kaibigan niya habang patuloy na kumakain ng ampalaya.
May kung anong naramdaman si Wonwoo na hindi niya maipaliwanag. Palagi na lang ganito. Hindi niya matukoy kung gusto rin ba siya ni Mingyu o talagang ganito lang siya sa lahat ng tao. Palagi na lang siyang naguguluhan sa mga akto ni Mingyu sa kaniya. Isang sandali, aasa siya, tapos biglang matitigil ang kahibangan niya tuwing may ipakikilalang nililigawan si Mingyu.
Katulad na lamang noong ayain siya nito na mag-elyu sila nang tatlong araw habang katatapos pa lamang ng prelims at wala pang masyadong gawain. Akala niya’y silang dalawa lang ang pupunta, pero nang makasalubong niya si Mingyu sa hallway kasama ang nililigawan, doon niya nalamang balak pa pala siyang gawing thirdwheel. Nag-rant siya kay Soonyoung at pinilit na samahan siya nito sa bakasyon. Napapayag naman niya ito matapos ang walang-sawang pangungumbinsi.
“Nyong, sige na!” Sambit ni Wonwoo na parang bata. “Para makapag-unwind ka rin, makapagisip-isip sa inyo ni Ji. Sama ka na, please?” Pangungulit ni Wonwoo habang nagpapaawa.
“Anong amin ni Ji?! Ano ba ‘yan! Sige na nga!” Inis na sabi ni Soonyoung.
“Thank you, Nyong! Sana magkabalikan na kayo.” Inirapan lamang siya ng kaibigan.
Ibinalik niya ang kaniyang atensyon kay Mingyu nang maramdaman ang palad nito sa kanang kamay niya.
‘Ito nanaman siya. Ginugulo mo nanaman ako, Mingyu Kim.’
“Mingyu,” Tawag niyang muli. Nanginginig ang boses niya at nangingilid ang luha. Alam niyang mula ngayong gabi’y sira na ang pagkakaibigan nila ni Mingyu, at wala nang remedyo para dito. Dahil lamang minahal niya ang kaibigan—best friend—niya. “Shet, wait.”
Tinungga ni Wonwoo ang Red Horse na hawak niya nang maramdaman na unti-onti na siyang nahihimasmasan, bago titigang muli si Mingyu. “Mahal kita, pitong taon na.”
Nakakabingi ang katahimikan na bumabalot sa kwarto. Naghihintay si Wonwoo sa reaksyon ni Mingyu, pero ilang segundo pa’y wala pa rin itong imik. Nakatunganga lamang ito sa harapan niya, bakas ang pagkagulat sa mukha. Gusto niyang malaman kung ano ang tumatakbo sa isipan nito ngayon, pero kahit anong pilit niya, hindi niya mabasa ang naiisip ni Mingyu.
“Simula nung naging partner kita sa reporting sa Filipino noong Grade 10. Akala ko simpleng crush lang ‘yon. Sabi ko pa sa sarili ko, ‘Mawawala rin ‘to.’” Tuluyan nang umiyak si Wonwoo. “Tangina, ga-graduate na tayo ng college, pero ikaw pa rin talaga.” Pinunasan ni Mingyu ang mga luha sa kaniyang mata.
“‘Yan! Kaka-ganiyan mo, lalo akong nahuhulog. May meaning ba lahat ng ‘yon o wala? Bakit mo ako binilhan ng bagnet? Bakit nandito ka pa rin sa kwarto ko? Tangina, Mingyu, ang gulo-gulo mo.” Tinanggal ni Wonwoo ang pagkakahawak niya sa pisngi ni Mingyu at akmang tatayo na sana para lumabas ng kwarto niya at mag-amok sa labas, ngunit pinigilan siya ni Mingyu at hinawakan ang kamay niya.
“Won, I’m sorry.” Hindi makatinging sabi ni Mingyu. Nagtaka naman si Wonwoo rito. Hindi mawari kung nanghihingi ba ito ng tawad dahil kaibigan lamang ang kaya niyang ituring kay Wonwoo o dahil tinatapos na nito ang pagkakaibigan nila sa mismong mga sandaling iyon. Pero wala ni-isa doon ang tamang sagot.
“Ba–” Natigilan si Wonwoo nang maramdaman ang malambot na labi ni Mingyu sa kaniya. Natulala siya sa pwesto niya—hindi makagalaw, hindi makatakas. Kitang-kita niya ang mahahabang pilikmata ni Mingyu, ang perpektong balat, at ang makapal na kilay nito.
Ngunit imbes na kiligin siya’y lalo lamang nadurog ang kaniyang puso. Rinig na rinig niya ang pagpunit ng puso niya, pira-pirasong nahuhulog sa lapag.
Tinulak niya si Mingyu papalayo sa kaniya.
“Napaka-gago mo.” Natauhan si Mingyu nang marinig ang sinabi ni Wonwoo at naestatwa sa kinauupuan niya.
Tumakbo si Wonwoo palabas at dumiretso kay Soonyoung, na mahimbing na ang tulog sa sariling kwarto nito. Ni-lock niya ang pinto upang hindi makapasok si Mingyu kung sakaling sundan siya nito.
“Nyong,” Tawag ni Wonwoo, nanginginig ang boses at puro hikbi ang lumalabas sa bibig. Nagising si Soonyoung dito, magrereklamo pa sana pero mabilis na napalitan ito nang pag-aalala nang makita ang kaibigan na walang tigil sa pag-iyak.
Niyakap ni Soonyoung si Wonwoo habang tinatapik-tapik ang likod nito para kumalma. Sa apat na taong pagkakaibigan nila’y madalang niyang makitang umiyak si Wonwoo, at kung umiyak man ito’y dahil sa rami at bigat ng mga gawain, kung kaya’t nag-aalala siya nang sobra para sa kaibigan niya.
Hindi nagtagal ay nakarinig sila ng katok sa pinto. Agad namang umiling si Wonwoo. “‘Wag mong papasukin, please.”
“Sige, papaalisin ko.” Iniupo ni Soonyoung ang kaibigan sa kama niya at binigyan ito ng tubig. “Wait lang, Won, ha?” Tumango naman si Wonwoo rito, patuloy pa rin sa pag-iyak.
Binuksan ni Soonyoung ang pinto, onting awang lamang para hindi makita ang kaibigan sa likod niya. Si Mingyu ang bumungad sa kaniya. Kinukutuban na siya na may kinalaman ang lalaking nasa harap niya kung bakit nagka-ganoon si Wonwoo.
“Soon–” Naputol ang sasabihin ni Mingyu nang agad na mag-salita si Soonyoung.
“Mingyu, gabi na. Matulog ka na.” Akmang isasara na sana niya ang pinto nang mag-salita ulit ito.
“Si Wonwoo.” Nagmamakaawang sambit nito.
Ngunit hindi nagpatinag si Soonyoung at tinitigan nang seryoso si Mingyu. “Bukas na. Please.”
Wala nang nagawa si Mingyu nang tuluyang isara ni Soonyoung ang pinto.
Kinabukasan, pagkagising ni Wonwoo ay agad siyang dumiretso sa kuwarto niya at nag-impake ng kaniyang mga damit at gamit; binilisan nito ang pagkilos upang hindi siya maabutan ni Mingyu. Dumiretso sila ni Soonyoung sa pinakamalapit na bus terminal at bumili ng dalawang ticket pa-Cubao, iniwan sina Mingyu at ang nililigawan nito sa San Juan.
Hindi pa kayang harapin ni Wonwoo si Mingyu. Masakit pa.
Kinwento niya ang nangyari kay Soonyoung habang nasa bus sila pabalik ng Maynila. Galit na galit ito sa ginawa ni Mingyu, napapa-mura pa nang malakas, kung kaya’t napapatingin sa kanila ang katabi nila. Natatawa na lang sa hiya si Wonwoo.
Hindi niya kakayanin kung wala si Soonyoung sa tabi niya. Malaki ang pasasalamat niya sa kaibigan at sinamahan siya nito, kahit pa napilitan lamang ito.
Nang makabalik sila sa Maynila ay iniwasan na niyang tuluyan si Mingyu. Sa tuwing makakasalubong niya ito ay maglalakad siya sa kabaliktaran na direksyon. Blinock niya rin ito sa lahat. Ginawa ni Wonwoo ang lahat para lamang hindi makausap o makita si Mingyu, dahil kahit anino pa lamang nito ang makita niya ay bumabalik na agad ang masakit na alala sa San Juan.
Hindi pa kayang harapin ni Wonwoo si Mingyu. Masakit pa rin.
⏱︎ ⏱︎ ⏱︎
JULY 25, 8:00 PM
Tinitigan niya ang number ni Mingyu na hanggang ngayon ay naka-block pa rin sa kaniya. Sa pagkakatanda niya ay magte-take din agad ito ng board exam pagka-graduate dahil iyon ang napagplanuhan nila noon bago umamin si Wonwoo, kaya malaki ang tyansang andito pa sa Maynila si Mingyu. Napaisip si Wonwoo.
‘Magpapaka-martyr o tataasan pa rin ang pride?’
Ramdam pa rin ni Wonwoo ang sakit, pero ngayo’y mas nangingibabaw ang pagmamahal niya para sa best friend niya. Miss na rin naman niyang makasama ito—may feelings man o wala. Nagdadalawang-isip si Wonwoo kung ia-unblock na ba niya ang number ni Mingyu nang makatanggap siya ng chat galing kay Soonyoung.
soonyoung kwon, (future) rmt
won, alam kong mag-isa ka lang jan sa maynila
alam ko ring ayaw mong mapag-isa ngayon
I’M UR BESTIE (no homo ver.), OFC ALAM KO TAKBO NG UTAK MO!
tawagan mo na si mingyu!
last chance mo na to para makakuha ng closure at masagot mga lingering questions mo
LINGERING QUESTIONS !?
let yourself heal and be happy for the last time, wonwoo
alam ko namang mahal mo pa rin si mingyu kahit di mo sinasabi sakin
bakit ba di ka na nag-open sakin? natatakot kang baka magalit ako sayo?
hindi naman ako magagalit eh
wonwoo jeon, (future) rmt
oo :(
sorry, nyong
thank you T__T
magpakasaya rin kayo ni ji diyan haaa
love na love ko kayong dalawa
lalo ka na
thank you for being my bestfriend, nyong
and i think i never got to properly thank you for putting up with me nung nag-elyu tayo
without you there, i wouldn’t have known what to do. baka nagpaka-martyr pa ako at sinamahan pauwi sina mingyu no’n
soonyoung kwon, (future) rmt
love u too, won :(
thank u for being my bestie toooo
susuntukin kita kung nagstay ka pa non >:(
sige na, tawagan mo na si mingyu!
sent a photo.
good luck, won! - ji
istorbo ka sa bebetime namin eh - ji
Napangiti si Wonwoo nang makita ang litratong sinend ni Soonyoung. Selfie nila ito ni Jihoon, magkatabi sa sofa habang kumakain ng lutong spaghetti ng nanay ni Soonyoung. Masaya si Wonwoo para sa dalawang kaibigan niya, pero hindi niya pa rin mapigilang malungkot na hanggang dito na lamang ang kinahantungan ng lahat.
Bumalik si Wonwoo sa Contacts at tuluyang in-unblock ang number ni Mingyu. Pakiramdam niya’y nabunutan siya ng tinik sa baga niya at nakahinga na nang maluwag.
Nanginginig ang kamay niya nang tawagan si Mingyu. Limang buwan na mula noong umamin siya; limang buwan mula noong hinalikan siya nito. Limang buwan na rin mula noong huling nag-usap sila nang maayos; limang buwan mula noong huling nagsama at nagsaya sila bilang magkaibigan.
“Hello? Wonwoo?”
Ramdam na ramdam ni Wonwoo ang pagtibok ng puso niya. Matagal na niyang hindi naririnig ang boses ni Mingyu. Aminado siyang na-miss niya rin marinig ito.
“Hi, Mingyu.” Ngayong kausap na ulit ni Wonwoo si Mingyu ay hindi na niya alam ang sasabihin niya.
“Bakit ka napatawag? Okay ka lang ba?” Rinig ni Wonwoo ang kaba sa boses nito. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya dahil hindi lamang siya ang kinakabahan sa kanilang dalawa.
“Oo, okay lang ako. Itatanong ko lang sana kung…” Huminga nang malalim si Wonwoo, kumukuha ng lakas ng loob.
“Kung?”
“Kung andito ka ba sa Maynila ngayon?”
“Oo, bakit?”
“I was wondering if you’re willing to accompany me?” Pakiramdam ni Wonwoo ay sasabog na ang puso niya palabas ng dibdib niya.
“Okay.”
“Okay?” Hindi makapaniwalang tanong ni Wonwoo.
“Sasamahan kita hanggang bukas.”
Naiiyak nanaman si Wonwoo. Mahal pa rin niya talaga si Mingyu; kailanma’y hindi ito nawala.
“Na-miss kita, Mingyu.”
“Na-miss din kita, Won. I’m sorry, I’m really sorry.”
“I’m giving you the chance to make up for what you did in the next 11 hours.” Narinig ni Wonwoo ang matamis na tawa ni Mingyu. Na-miss niya rin ito.
“Okay po, sir Jeon. Puntahan kita sa apartment mo?” Pang-aasar ni Mingyu.
“Okay, I’ll wait for you. Mag-ingat ka, ha?”
“Yes, boss.” Kinilig si Wonwoo sa nickname. Matagal na niyang hindi naririnig iyon. “See you soon, Won.” Ibinaba na ni Mingyu ang tawag.
Kahit na nagalit siya kay Mingyu ay hindi niya maitatangging nangulila pa rin siya sa kaniya. Naging kaibigan muna niya ito nang ilang taon bago itinuring ng puso niya na hindi na lamang simpleng pagmamahal bilang kaibigan ang kayang ibigay niya rito. Sa limang buwan na hindi niya kinausap si Mingyu, nawalan siya ng taong matatakbuhan tuwing pinagkakaisahan siya ng mundo, nawalan siya ng taong masasandalan—nawalan siya ng kaibigan. Mahirap pala. Masakit.
Hindi alam ni Wonwoo kung saan nga ba siya mas nasaktan: sa paghalik ni Mingyu o sa pagkawala nito sa piling niya?
Ilang beses niyang sinisi ang sarili dahil nagkagusto siya sa dapat kaibigan lamang—na kung hindi niya minahal si Mingyu ay sana ayos pa rin sila.
Pero wala nang oras si Wonwoo ngayon para magsisi. Babawiin niya ang mga sinayang niyang oras. Ang mahalaga para sa kaniya ngayo’y makakasama niyang muli si Mingyu sa huling pagkakataon, kahit pa na bilang kaibigan lamang. Sapat na iyon para kay Wonwoo.
⏱︎ ⏱︎ ⏱︎
JULY 25, 9:00 PM
Hindi makatingin nang diretso si Wonwoo kay Mingyu. Medyo naiilang pa rin sa kaibigan; ang tapang na kanina’y mayroon siya nang tawagan si Mingyu ay naglaho na. Tahimik lamang silang nakaupo sa sala, walang kumikibo ni-isa sa kanila. Pinaglalaruan lamang ni Wonwoo ang unan sa sofa, habang si Mingyu ay hindi man lang itinatago ang pagtitig kay Wonwoo, kung kaya’t lalo itong nahihiya.
“Won-”
“Min-”
Sabay nilang pagtawag, kung kaya’t bahagya silang natawa, bago sumenyas si Mingyu na mauna na si Wonwoo. Tumingin na ito nang diretso pabalik kay Mingyu.
“Wala, ano… Kumusta ka naman?” Gusto nang hukayin ni Wonwoo ang sahig sa hiya nang marinig ang boses niya. “Huling kita natin noong graduation pa, tapos hindi pa kita pinapansin noon. Wala na akong balita sa’yo.” Ang huling narinig niya ay matapos ang maikling bakasyon nila sa Elyu ay tumigil na sa panliligaw si Mingyu, ayon kay Soonyoung. Nalaman ito ni Soonyoung dahil kasama niya sa isang school organization ang kaibigan ng dating nililigawan ni Mingyu.
Nakita niyang napangiti si Mingyu sa tanong. “Okay lang. Busy mag-review for boards sana.” Nanghihinayang na sagot ni Mingyu. “Ikaw?”
“Same din.” Maikling sagot ni Wonwoo, hindi alam kung ano pang sasabihin para pahabain ang usapan.
Muli ay binalot sila ng katahimikan. Nakatingin lamang si Wonwoo sa labas ng bintana, pinapanood ang pagkakagulo ng mga tao, habang si Mingyu ay pinapanood si Wonwoo.
Huminga nang malalim si Mingyu, at binasag ang katahimikan. “Wonwoo, gusto ko mag-sorry sa ginawa ko. Na-realize ko na sobrang tanga ko nung tinulak mo ‘ko. Ang sad boy pakinggan pero deserve ko ‘yung naging pagtrato mo sa’kin after.” Tahimik na natawa rito si Wonwoo, dahilan nang pagkawala ng nerbyos ni Mingyu.
“Napatawad na kita. Kaya nga tinawagan kita ngayon, ‘di ba?” Hindi yata kakayanin ng konsensiya—at puso—ni Wonwoo na hindi kausapin si Mingyu sa huling araw nila. “Wala eh, mahal kita. Gano’n ka kalakas sa ‘kin.” Tiningnan ni Wonwoo ang reaksiyon ni Mingyu, bahagyang kinakabahan, ngunit parang balewala lamang ito kay Mingyu at napangiti pa nga nang marinig na mahal siya nito. Gumaan ang pakiramdam ni Wonwoo, parang gusto na niyang ulit-uliting sabihin ito sa kaibigan.
“Pero natiis akong ‘di kausapin nang limang buwan?” Pang-aasar ni Mingyu na may nakakalokong ngisi sa labi niya.
“Siyempre, galit pa ako no’n!” Depensa ni Wonwoo. Natawa naman si Mingyu sa hitsura ni Wonwoo na parang batang nagmamaktol.
“Pero, Won, seryoso na. Na-miss kita, sobra.” Pakiramdam ni Wonwoo ay natutunaw siya sa bawat segundong nakatitig sa kaniya si Mingyu. Hindi niya mawari kung anong emosyon ang bumabalot sa mga mata nito.
“Ako rin naman.” Nag-init ang tenga at bumilis ang tibok ng puso ni Wonwoo. Hindi pa rin siya sanay na nilalahad ang kaniyang damdamin nang ganito kadali—walang bumabagabag na takot sa isipan na hindi na siya kakausapin ni Mingyu kailanman. “Nung tinawag ka ni Jun nung graduation para picture-an kami, pigil na pigil akong yakapin ka. Nangibabaw pa pride ko no’n eh.”
Tandang-tanda pa ni Wonwoo ang alaala ng graduation nila na parang kahapon lamang nangyari ito. Tinawag ni Junhui si Mingyu, na saktong natagpuan nila sa may Fountain of Wisdom, upang kuhaan silang apat ng litrato sa tapat ng Arch of the Centuries. Alam ng mga kaibigan ni Wonwoo kung anong nangyari sa kanila noong panandalian silang nagbakasyon sa Elyu. Mapang-asar ang ngiti ni Junhui nang lumapit si Mingyu para kuhain ang cellphone at instant camera ni Jihoon, habang si Wonwoo ay nakatitig lamang sa gilid, nagpapanggap na mas interesado pa sa mga estudyante sa paligid nila kaysa sa lalaking tinitbok ng puso niya sa harapan niya. Tinanong siya ni Soonyoung kung ayos lamang ba siya, nag-aalalang nakatingin sa kaniya ang kaibigan. Tahimik na tumango lamang si Wonwoo, pinipilit na i-focus ang mga mata sa camera, imbes na sa mukha ni Mingyu.
“Gustong-gusto kitang kausapin no’n, kaso hindi na kita nilapitan. Kita ko kung gaano ka ka-iwas na iwas sa ‘kin.” Rinig ang lungkot at pagsisisi sa boses ni Mingyu.
“Sorry din. Ang dami tuloy nating nasayang na oras dahil lang nagalit ako.” Napayuko si Wonwoo sa hiya, hindi kayang tingnan nang diretso si Mingyu.
Itong limang buwan na walang pansinan ang pinakamatagal na away nila. Ito lang din ang graduation na wala silang litratong dalawa na magkasama.
Kumunot ang noo ni Mingyu. “Like I said, deserve ko ‘yon, ‘wag ka mag-sorry. Babawiin natin hanggang bukas ‘yung limang buwan, okay?”
Tumango na lamang si Wonwoo, gusto pa sanang kontrahin ang sinabi ni Mingyu pero alam niyang hindi magpapatalo ito. Nalulungkot at nagi-guilty si Wonwoo dahil ngayon lamang niya kinausap muli si Mingyu, kung kailan limitado na ang oras nila at ito na ang huling beses na masisilayan niya ang mukha nito.
Nginitian siya ni Mingyu, at ramdam na ramdam ni Wonwoo ang mga paru-paro sa bituka niya. “Anong agenda natin for tonight?”
⏱︎ ⏱︎ ⏱︎
JULY 25, 9:45 PM
Magulo ang mga kalye, nagkalat ang mga nakahintong sasakyan, ngunit kakaunti na lamang ang mga taong natira sa labas.
Naglalakad sa gilid ng Lacson sina Mingyu at Wonwoo patungo sa UST. Tahimik at mabagal lamang ang kanilang mga hakbang.
“Naaalala mo ba nung first year? Lagi tayong sabay maglakad dito sa Lacson papasok.” Tanong ni Wonwoo kay Mingyu.
“Oo, nakaka-miss nga, eh.” Sagot ni Mingyu. “Nakaka-miss ka.” Patuloy lamang sa paglalakad si Mingyu na parang wala lamang sa kaniya ang sinabi niya.
“Mingyu Kim, tumigil ka.” Pagbabala ni Wonwoo na hindi naman sineryoso ni Mingyu.
Tumawa si Mingyu at inakbayan si Wonwoo, dahilan ng paglapit pa nila lalo. “Bakit? Bawal ba kitang ma-miss?”
Tinanggal ni Wonwoo ang pagkaka-akbay sa kaniya ni Mingyu at sinimangutan siya. “Bawal.”
Tumawang muli si Mingyu at ginulo ang buhok ni Wonwoo na ikinainis lalo ni Wonwoo. “Cute mo.”
Naglakad nang mas mabilis si Wonwoo at nilagpasan si Mingyu. Nararamdaman niya ang pag-init at pamumula ng kaniyang mga pisngi. “Baliw!”
Bahagyang tumakbo si Mingyu upang maabutan si Wonwoo at inakbayang muli ito. “Sayang, no? Nung first year lang tayo magkaparehong-magkapareho ng sched. ‘Di na tuloy kita nakasabay pumasok.”
“Sus, may pinalit ka nga sa ‘kin, eh.” Pang-aasar ni Wonwoo. Noon, sa tuwing nakikita niyang may ibang kasama si Mingyu papasok ay nasasaktan siya. Ngunit ngayon, kaya na niyang gawing biro at pagtawanan na lamang ang nakaraan.
“‘Wag ka nang mag-selos; ikaw naman kasama ko ngayon.” Tumigil si Mingyu sa paglalakad at iniharap si Wonwoo sa kaniya. “I’m all yours, Wonwoo Jeon.”
“‘Yan ka nanaman!”
⏱︎ ⏱︎ ⏱︎
JULY 25, 10:00 PM
Nang makapasok sa loob ng UST ay dumiretso sina Mingyu at Wonwoo sa Lover’s Lane. Umupo sila sa isa sa mga upuan malapit sa estatwa ni Benavides.
Tahimik at madilim ang paligid bukod sa mga ilang ilaw na nakabukas. Walang katao-tao sa loob maliban sa kanilang dalawa.
Sa apat na taon na pananatili ni Wonwoo sa unibersidad na ito ay madalang niyang nakasama si Mingyu mag-isa, lalo pa’t magkaiba sila ng pangkat at may mga kaniya-kaniyang kaibigan. Ngunit ganoon pa man ay laging pinipili nina Wonwoo at Mingyu na samahan ang isa’t-isa tuwing paskuhan, kung kaya’t laging inaasar ang dalawa ng kanilang mga kaibigan. Hindi ipinapahalata noon ni Wonwoo kung gaano siya kasaya at kinikilig sa tuwing siya pa rin ang pinipili ni Mingyu na samahan pagsapit ng Disyembre.
“Shet! Inaya na ako ni Mingyu sa paskuhan.” Kwento ni Wonwoo sa tatlo niyang kaibigan nang makita ang notification ng chat ni Mingyu, habang may malaking ngiti sa kaniyang labi.
“4-years straight mo nang paskuhan date ah.” Pang-aasar ni Jun. “Ay, joke! ‘Di pala kayo straight.”
Pinalo ni Wonwoo si Jun sa braso. “Hindi ko nga siya paskuhan date!”
“‘Yan nanaman siya.” Sabi ni Jihoon. “‘Di raw paskuhan date pero ikaw lagi inaaya. Ang lala naman magbigay ng mixed signals niyang best friend mo.”
“Ay, basta! Shut up na. As a friend lang aya niya sa’kin, okay?”
Magkatabi sina Wonwoo at Mingyu sa isang upuan, ilang sentimetro lamang ang pagitan ng mga kamay, naghihintayan sa kung sino ang mauunang bumasag ng katahimikan.
“Nakaka-miss din pala UST, ‘no? Kahit na grabe ‘yung pagod ko rito.” Panimula ni Wonwoo sa usapan. “Ang ganda kasi talaga eh.” Tiningnan ni Wonwoo ang paligid—mula sa Main Building hanggang sa Arch of the Centuries—hangang-hanga pa rin sa kagandahan nito.
“Oo nga, ang ganda.” Sagot ni Mingyu habang nakatitig kay Wonwoo, na hindi napansin ang binibigay na atensyon sa nito kaniya.
“Nakakalungkot lang isipin na in just a few hours, mawawala na ‘to lahat.” Bumuntong hininga si Wonwoo.
Tahimik lamang si Mingyu sa tabi niya, pinakikinggan lahat ng hinaing ni Wonwoo.
“Miss ko na rin maging estudyante. Mga panahong ngarag na ngarag tayo dahil nagsasabay lahat ng deadlines tapos malapit na shifting exams.” Napangiti na lamang si Wonwoo sa mga alaalang pumapasok sa isip niya. “Nakaka-miss kasama ‘yung tatlo araw-araw. Kung wala sila, baka hindi ko kinaya ‘tong pagme-MedTech.” Tiningnan ni Wonwoo ang polaroid nilang magkakaibigan sa likod ng kaniyang cellphone. “Ikaw rin. Isa ka sa mga tao that made my college life more bearable.”
“It’s an honor, sir Jeon.” Nakangiting sabi ni Mingyu. “Ikaw rin; you made my life more bearable.”
Hinarap ni Wonwoo si Mingyu. Ramdam na ramdam niya ang bilis ng pagtibok ng puso niya. “Huy, college life lang ang usapan, boi.”
Natawa si Mingyu rito. “Bakit? Totoo naman, ah.” Tinitigan ni Mingyu si Wonwoo diretso sa mga mata. “You kept me grounded even when life gets too much; na sa kalagitnaan ng kaguluhan, I seek your presence because I know that’s where peace is.” Kitang-kita ni Mingyu ang kinang sa mga mata ni Wonwoo.
“Parang tanga ‘to.” Umiwas na ng tingin si Wonwoo at binaling ang atensiyon sa estatwa ni Benavides. “Para ka namang in love sa’kin kung i-describe mo ‘ko.”
“I might as well be.” Walang alinlangang sagot ni Mingyu na ikinagulat ni Wonwoo.
“Baliw!” Mabilisang napatingin si Wonwoo kay Mingyu. Pakiramdam niya’y sasabog na ang puso niya sa bawat salitang lumalabas galing sa mga labi ni Mingyu. “Kaka-ganiyan mo, iiwanan kita rito.”
Tumawa lamang si Mingyu at hindi na umimik.
“Ipapaalala ko lang na sa ating dalawa, ako ang in love dito, ha.” Nahihiyang sambit ni Wonwoo. “Baka nakakalimutan mo na.” Hindi nanaman ito makatingin nang diretso kay Mingyu.
“I know.”
“Good. Isusumbong kita kanila St. Thomas Aquinas at St. Dominic de Guzman kapag nilandi mo pa ‘ko ulit.”
⏱︎ ⏱︎ ⏱︎
JULY 26, 12:00 AM
Matapos ang mahaba-habang kwentuhan sa Lover’s Lane ay dumiretso sila sa 7/11 sa P.Noval. Wala nang staff na natira at ang laman nito’y nagkalat sa loob. Dumiretso si Wonwoo sa aisle ng mga chichirya, habang si Mingyu naman ay naglakad patungo sa open display fridge.
Kumuha si Wonwoo ng isang Honey Butter chips at isang strawberry milk sa fridge, at dumiretso na sa table para umupo at kumain.
Si Mingyu naman ay kumuha ng isang Biscoff cake at isang maliit na kandila, bago dumiretso sa counter para kumuha ng lighter.
Umupo si Mingyu sa harap ni Wonwoo at inilapag sa lamesa ang kaniyang mga dala. Nagtaka si Wonwoo kung bakit may kandila at lighter itong dala, sapagkat maliwanag naman sa loob.
Binuksan ni Mingyu ang lagayan ng cake, nilagay ang kandila sa gitna, at sinindihan ito. “Dahil wala ako last week nung nag-birthday ka, ise-celebrate ulit natin ngayon. ‘Di ako papayag na hindi natin ma-celebrate birthday mo nang magkasama.”
Samu’t-saring emosyon ang naramdaman ni Wonwoo. Nang sumapit ang kaarawan niya noong ika-17 ng Hulyo, panandalian siyang umuwi sa kanilang probinsya upang ipagdiwang ang kaniyang kaarawan kasama ang kaniyang mga magulang. Naroon din ang tatlo niyang mga kaibigan, at doon pa nga nakitulog sa kanilang bahay. Masaya si Wonwoo noong araw na iyon, ngunit sa kaloob-looban, alam niyang may kulang. May hinahanap-hanap siyang presensiya ng isang taong mahalaga sa buhay niya.
Sa pitong taon ng pagkakaibigan nina Wonwoo at Mingyu, laging naroon si Mingyu sa pagdiwang ng kaarawan ni Wonwoo; kadalasan pa nga’y ito ang nangunguna sa pagpa-plano ng surpresa—maliban ngayong taon. Dahil hindi pa nagkaka-ayos ang dalawa sa mga panahon na iyon, hindi nakadalo si Mingyu. Kung kaya’t, kahit naka-block pa rin ang number niya ay nag-send pa rin ito ng text message kay Wonwoo na naglalaman ng birthday greeting niya; nagbabakasakali at nangangarap na baka ngayo’y maipadala na ang mga mensahe niya.
“One week late, but happy birthday, Wonwoo Jeon.” Ngumiti si Mingyu at tinitigan si Wonwoo. “Make a wish.”
Pumikit si Wonwoo at ipinagdikit ang mga kamay. ‘Onting oras pa po, please. Ayoko pa pong mamatay.’
Pagka-dilat ni Wonwoo ay hinipan niya ang kandila at nginitian pabalik si Mingyu. “Thank you, Min.”
⏱︎ ⏱︎ ⏱︎
JULY 26, 12:25 AM
Wala nang mga taong maaaninag sa labas, kabaliktaran ng gulong nangyari kanina. Tanging ang tunog ng mga kuliglig at yapak nina Wonwoo at Mingyu lamang ang maririnig.
Ang mga streetlight at buwan lamang ang nagbibigay-liwanag sa paligid.
Nakatitig si Wonwoo sa anino nila ni Mingyu sa lapag, natutuwa sa pagkakaiba ng tangkad nila. Palihim niyang kinuhaan ito ng litrato, walang kamalay-malay na kanina pa siya pinanonood ni Mingyu.
“Alam mo ba? Hinahanap-hanap kita nung birthday ko. Winiwish ko na sana sumulpot ka na lang bigla sa bahay.” Pag-amin ni Wonwoo.
“Chinat nga ako ni tita kung hindi raw ba ako pupunta. Sabi ko, sobrang busy kamo sa review center. Baka mag-alala ‘pag nalamang hindi tayo bati, eh.” Ginulo ni Mingyu ang buhok ni Wonwoo at nginitian ito nang sinamaan siya ng tingin ni Wonwoo.
“Thank you, at sorry. Nagsinungaling ka pa tuloy.” Nahihiyang sabi ni Wonwoo.
“Okay lang, basta ikaw.”
Umiling na lamang si Wonwoo sa sinabi ni Mingyu.
“Pero, Min? Thank you kanina. Nawala ‘yung lungkot ko.”
“Sabi ko nga, ‘di ba? Basta ikaw.”
“Sus, landi mo.”
“Sa’yo lang.”
Naglakad ang dalawa pabalik sa apartment ni Wonwoo nang mapayapa at may ngiti sa mga labi. Sa mga oras na iyon, pagmamay-ari nila ang mundo, at walang makakasira sa kasiyahan nila—kahit ang kamatayan mismo. Dahil sa huli, pagmamahal pa rin ang mananaig.
⏱︎ ⏱︎ ⏱︎
JULY 26, 3:00 AM
Nang makabalik sila sa apartment ni Wonwoo ay nagluto si Mingyu nang makakain nila at nanood ng pelikula sa TV. Isinalang ni Wonwoo ang ‘Our Times’, ang comfort movie nilang dalawa at laging pinanonood noong mga panahong magkaayos pa sila. Naiyak si Wonwoo sa dulo ng pelikula dahil naka-relate siya sa nangyari sa dalawang bida. Hindi man sila nawalay sa isa’t-isa nang kasingtagal kanila Truly at Taiyu, pero magkasingsakit din ang huling pagkikita nila. Ngayong magkaayos na sila, hindi maisip ni Wonwoo kung papaano niya kinayang hindi kausapin si Mingyu sa loob ng limang buwan.
Nang matapos ang pelikula ay napagdesisyunan nilang itulog na lamang ang natitirang apat na oras, dala na rin ng pagod. Ayaw rin ni Wonwoo na gising at nakakaramdam siya kapag binalot na ng apoy ang mundo. Napupuno ng takot ang buong katawan niya.
Sa totoo lamang ay hindi pa rin siya makapaniwala na sa pagsapit ng umaga ay mawawala na lang ang lahat na parang bula; walang kahit isang bakas na nagpapatunay na sa libo-libong taon na nabuhay ang mundo ay may isang Wonwoo Jeon na ipinanganak at namuhay nang simple ngunit masayang buhay, kahit pa man puno ito nang paghihirap at hinanakit; na nagkaroon siya ng tatlong tunay na mga kaibigan na nariyan para sa kaniya kahit ano man ang mangyari; na minsa’y natuto rin siyang magmahal kahit masakit, dahil handa siyang indahin lahat, makita lang ang mga ngiti sa labi ni Mingyu Kim. Ngunit sa dinami-rami ng puwede niyang ipagmayabang, ang minahal siya pabalik ni Mingyu Kim ang namumukod-tanging hindi niya kayang ipagsigawan—dahil kailanma’y hindi ito nangyari o mangyayari pa.
Ngayon ay nasa kama sila ni Wonwoo, magkayakap nang mahigpit sa kabila ng matinding init na bumabalot sa ere. Kung normal lamang ang lahat, hindi hahayaan ni Wonwoo na mapunta silang dalawa ni Mingyu sa ganitong sitwasyon. Mula nang mapagtanto niyang may nararamdaman na siya para sa kaibigan niya ay hindi na niya ito nilalapitan nang todo, natatakot na baka marinig at maramdaman ni Mingyu ang bilis ng tibok ng puso niya. Pakiramdam niya’y tuwing nagdidikit ang mga balat nila’y nasusunog ito at nag-iiwan ng permanenteng peklat na nagpapaalala sa kaniya ng pagmamahal niya kay Mingyu.
Ngunit dahil ito na ang huling beses na maaari niyang yakapin ang kaibigan niya, sinulit na niya ito. At isa pa’y wala na siyang ikinatatakot kung maramdaman man ni Mingyu ang tibok ng puso niya, dahil alam na alam na ni Mingyu na ang binibigay na pagmamahal sa kaniya ni Wonwoo ay hindi pang mag-kaibigan lamang, kundi pang magka-ibigan.
Nakapulupot ang mga kamay nila sa bewang ng isa’t-isa; ang mukha ni Wonwoo ay nakatapat sa dibdib ni Mingyu, habang ang ulo ni Mingyu ay nakapatong sa ulo ni Wonwoo. Ang mga binti nila’y parang mga kable sa poste na magkakalingkis. Binabalot ng dilim at katahimikan ang kuwarto, walang ibang maririnig kundi ang nakabukas na aircon at electric fan. Ang pagkakagulo ng mga tao sa labas ay nabawasan na rin.
“Parang nasa Elyu nanaman tayo ah,” Pagbasag ni Mingyu sa katahimikan. “Pero hindi na ako gago ngayon.”
Natawa si Wonwoo rito. Bumalik ang alaala ng mga sandaling iyon, pero hindi na gaanong masakit. Ngayo’y kaya na nilang pag-usapan ito nang walang halong galit at pagsisisi. “Hindi rin ako lasing.”
Hindi inakala ni Wonwoo na darating ang araw na ito, na para bang walang nangyari sa kanila kung tratuhin nila ang isa’t-isa. Akala niya’y natapos na ang pagkakaibigan nila sa San Juan sa sandaling tinalikuran niya si Mingyu at iniwan ito mag-isa sa madilim na kuwarto niya.
“Won,” Huminga nang malalim si Mingyu, kumukha ng lakas ng loob. Inangat ni Wonwoo ang ulo niya at tiningnan si Mingyu. “Mahal kita.”
Nakatunganga lamang si Wonwoo, hindi alam ang sasabihin o gagawin. Matagal na niya itong hinahangad na marinig sa kaibigan niya. Dapat ay masaya siya, ngunit sa sitwasyon ngayo’y wala siyang ibang maramdaman kundi ang malungkot. Kailanma’y hindi siya pinaboran ng tadhana.
“Ha?” Naguguluhang tanong ni Wonwoo.
“Sorry kung ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob. Hindi ko yata kakayaning mamatay nang hindi nasasabi sa’yo ‘to.” Tinitigan nang mabuti ni Mingyu si Wonwoo, inuukit sa kaniyang isipan ang bawat detalye ng mukha nito. Bakas pa rin ang pagkagulat dito. “Na-realize ko noong limang buwan na hindi tayo nag-usap na all this time, ikaw pala ang hinahanap-hanap ng puso ko.”
“Nakakainis ka naman eh!” Naiiyak na sabi ni Wonwoo. Hindi niya mawari kung paniniwalaan ba niya si Mingyu o hindi. “Sure ka ba?”
Natawa na lamang si Mingyu sa sagot ni Wonwoo habang pinupunasan ang luha sa mga mata nito. “Oo nga. Kahit ipagsigawan ko pa sa labas ngayon kung gaano kita ka-mahal.” Pinalo naman siya ni Wonwoo sa braso.
“Baliw! Matulog ka na nga, nahihibang ka na eh.” Sumiksik lalo si Wonwoo kay Mingyu, wala nang natitirang espasyo sa gitna nila. Ramdam nila ang malakas at mabilis na pagtibok ng mga puso nila.
“Mag-‘I love you, too’ ka muna,” Pang-aasar ni Mingyu.
Hindi kumibo si Wonwoo at nagpanggap na nakatulog na. Tinawanan lamang siya ni Mingyu.
Hinimas-himas ni Mingyu ang buhok ni Wonwoo at bumulong sa tenga nito. “Pero, Won, seryoso ako sa mga sinabi ko.”
“Alam ko,” Sagot ni Wonwoo habang nakayakap pa rin kay Mingyu at nakasubsob ang mukha sa leeg nito. “Mahal din kita.”
Napangiti si Mingyu. Pakiramdam niya’y puwede na siyang mamatay nang masaya. Marami man siyang pagsisisi ay pakiramdam niya’y nakabawi na siya kahit papaano.
“Inaantok ka na ba?” Tanong ni Mingyu habang patuloy pa rin sa paghimas ng buhok ni Wonwoo.
Tumango lamang si Wonwoo. Panandalian niyang iniangat ang kaniyang ulo para titigan si Mingyu sa huling pagkakataon.
“Sige na, matulog ka na.” Hinawi ni Mingyu ang buhok ni Wonwoo at hinalikan ang noo nito. “Pag-gising mo bukas, mahal pa rin kita.”

minwonkasal Sun 21 Sep 2025 04:38PM UTC
Comment Actions
goldenwinter Sun 21 Sep 2025 05:02PM UTC
Comment Actions