Post Header
Kakaunting araw na lamang ang natitira bago ang ika-15 ng Pebrero, ibig sabihin ay malapit na ang ika-labing-isang Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha! Para sa #IFD2025, marami kaming hinandang aktibidad para sa mga tagahanga sa buong mundo. Tingnan ang mga ito ngayon para malaman kung ano ang mga aktibidad na maaari mong lahukan!
- Feedback Fest: Gaya ng dati, gagawin namin ang aming taunang feedback fest! Ito ang iyong pagkakataon para sabihin sa iba ang iyong mga paboritong katha na kaugnay ng iyong mga fandom, fic dynamics o mga bagay na tingin mo'y may malaking epekto sa ecosystem ng fandom! Hanapin ang aming paskil tungkol sa Feedback Fest sa ika-13 Pebrero, pagkatapos ay mag-iwan ng comment na may mungkahi ng 10 na hangang-katha! Sa social media, gamitin ang tag na #FeedbackFest kapag magpapaskil.
- Gamit ang mga tag na #IFD2025 o #IFDChallenge2025, ibahagi ang iyong karanasan sa fandom bilang mga ecosystem sa social media!
- Lagyan ng aming tag para sa International Fanworks Day 2025 (Pandaigdigang Araw ng mga Hangang-Katha 2025) ang iyong mga katha sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) na nakasentro sa mga komunidad ng mga taga-hanga!
- Hindi lang sa AO3 ang mga kasiyahan: magdiriwang din ang Fanlore, ang wiki ng OTW (Organisasyon ng Nagbabagong Katha) para sa kasaysayan ng paghanga at kultura! Mangyayari ang hamon mula Pebrero 10-16 at magkakaroon ng bagong hamon ng pamamatnugot na kailangang makumpleto bawat araw. Para makilahok, sumangguni sa pahina ng IFD 2025 Fanlore Challenge para sa karagdagang impormasyon.
- Mga Laro at Fan Chat: Sa ika-15 ng Pebrero, magkakaroon ng chat sa Discord ng OTW. Samahan kami mula 21:00 UTC ng ika-14 ng Pebrero (Anong oras iyon para sa akin?) hanggang 03:00 UTC ika-16 ng Pebrero (Anong oras iyon para sa akin?) para maglaro ng trivia games at makipag-usap sa ibang taga-hanga! Pangangasiwaan ang chat room sa wikang Ingles, at magpapaskil kami ng detalyadong palatuntunan sa ika-15.
Maraming salamat sa pagsali at pagiging bahagi ng kultura ng paghanga sa buong taon. Kita-kita tayo sa #IFD2025!
Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.